ni V. Reyes | May 14, 2023
Nabisto ang isang bar sa Pasay City na pinaniniwalaang nagbebenta ng lobo na naglalaman ng mapanganib na kemikal na nagdudulot ng panandaliang pagka-"high" ng makasisinghot nito.
Pinasok ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bar makaraang matukoy sa surveillance ang paggamit ng lobo na naglalaman ng nitrous oxide.
Ayon sa NBI, ang nitrous oxide ay nagdudulot ng panandaliang saya kung lubhang delikado para sa mga sisinghot nito.
Ito na umano ngayon ang bagong modus ng mga sindikato ng ilegal na droga na pinagagamit bilang party drug.
Natagpuan sa stock room ng bar ang ilang tangke ng nitrous oxide at mga lobo na sinamsam na ng mga awtoridad.
Plano na ng NBI na irekomenda sa Dangerous Drugs Board (DDB) na ihanay bilang dangerous drug ang nitrous oxide sa ilalim ng Republic Act 9165 para mapigilan ang pagkalat ng paggamit nito.
"Ang nitrous oxide ay dapat lang sa mga medical facility lang, hindi sa ganitong club," saad ni Atty. Jerome Bomediano ng NBI.
"Kapag nasobrahan ang gamit mo nito, naaapektuhan ang utak mo rito. May tendency pa na makamatay ito," dagdag nito.
Ipaghaharap ng NBI ng kaso ang may-ari ng establisimyento, manager ng club gayundin ang mga nagbenta.
Comments