@Buti na lang may SSS | November 14, 2021
Dear SSS,
Ako ay SSS pensioner sa Naujan, Oriental Mindoro. Nais kong itanong kung paano mag-apply para sa three-month advance pension para sa mga nasalanta ng Bagyong Fabian. Salamat. – Lolo Tonio
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Lolo Tonio!
Sa panahon ng mga kalamidad ay maaasahan ng ating mga pensiyunado ang tulong mula sa SSS.
Mula noong Nobyembre 2, 2021 ay binuksan nito ang Calamity Assistance Program (CAP) upang mabigyan ng tulong-pinansiyal ang mga miyembro at pensiyunado na lubhang naapektuhan ng Bagyong Fabian sa Calapan at Naujan sa lalawigan ng Oriental Mindoro, Malabon City sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar na maaaring ideklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity dulot ng nasabing bagyo.
May tatlong uri ng assistance ang nakapaloob sa CAP: ang Calamity Loan Assistance, Three-month Advance Pension sa mga SSS at EC pensioners, at ang Direct House Repair and Improvement Loan.
Sa ilalim ng Three-month Advance Pension, paunang ibinibigay ng SSS ang tatlong buwang pensiyon ng pensiyunado. Layunin nitong makatulong sa dagliang pangangailangan ng mga pensiyunado, tulad ng gamot at pagkain. Halimbawa, kung maaprubahan ngayong buwan ang aplikasyon mo, Lolo Tonio, maaaring makuha ang pensiyon para sa mga buwan ng Disyembre 2021 hanggang Pebrero 2022.
Maaaring mag-apply ng Three-month Advance Pension ang mga pensiyunado na naninirahan sa mga lugar na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity. Dapat ay walang utang sa ilalim ng Pension Loan Program.
Kinakailangang punan ang Application for Assistance Due to Calamity/Disaster Form na maaaring mai-download sa website (www.sss.gov.ph). Dapat ding sertipikahan ng Barangay Chairman ng inyong lugar ang form bilang patunay na kayo ay naninirahan sa apektadong lugar.
Subalit, kung hindi ito nalagdaan ng inyong Barangay Chairman, maaari kayong magsumite ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development o NDRRMC na kayo ay naninirahan sa isa sa mga apektadong lugar. Maaaring isumite ang form sa pinakamalapit na sangay ng SSS.
Hindi ito pautang kaya walang babayaran ang pensiyunado tungkol dito. Subalit, kung mai-advance na sa inyo ang inyong pensiyon, halimbawa ay para sa mga buwan ng Enero hanggang sa Marso, makatatanggap na kayo muli ng buwanang pensiyon sa buwan na ng Abril.
***
Nais naming ipaalam sa ating mga retirement pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program (PLP) ng SSS para sa kanilang panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Mula Setyembre 15, 2020, maaaring magsumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.ss.gov.ph).
Kinakailangan lamang na mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon.
Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments