top of page
Search
BULGAR

Hanggang may pandemya… Ituloy ang paggamit ng face mask sa mga crowded area

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 17, 2022


Sa gitna ng pagluwag ng restriksyon sa COVID-19, marami ang nagiging kampante na at minsa’y nakakalimutang mayroon pa ring pandemya.


Kaya naman, kahit saan tayo lumingon sa mga malls, palengke, pasyalan, pampublikong sasakyan at kung saan-saan pa, hindi mahulugang-karayom ang pagdidikit ng mga tao — wala nang social distancing.


At heto na nga, meron ding ayaw nang magsuot ng face mask, nakakalimutan na ring mag-alcohol at ang obligasyong maghugas mabuti ng mga kamay.


Mga friendship, reminder, hindi pa tuluyang tapos ang pandemya. Humupa lang ang mga tinatamaan nito dahil marami na ang bakunado. Pero ‘wag tayong maging kampante at ‘wag balewalain ang mga pinaiiral na safety protocols.


Bagama’t nauunawaan natin ang mga negosyante sa panawagan nilang ‘wag gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask, sa ganang akin, ‘wag muna tayong maging maluwag ng husto.


Aba, eh, ‘di ba nga, kasasabi lang ng Department of Health, nakapagtala sila ng ng 1,682 bagong kaso ng COVID-19 mula June 6 hanggang June 12 o average na 240 kada araw.

Ito ay 30.4 % na mas mataas sa kaso noong May 30 hanggang June 5.


Nakapagtala rin ng kabuuang 498 o 11.3% ng COVID-19 na mga pasyente sa mga ospital ang nasa malala at kritikal na kondisyon. Noong Lunes, nakapagtala naman ng 386 bagong kaso na pinakamataas sa daily cases o kaso ng COVID-19 kada araw sa nagdaang dalawang buwan mula noong April 13.


Pero iklaro lang natin, ‘yung mga lugar naman na talagang halos zero na ang kaso ng COVID-19, lalo na kung napakaluwag naman ng mga kalsada at lugar, puwede naman ikonsidera na ‘wag magsuot ng face mask.


Pero sa mga crowded area o mga espasyo tulad sa mga mall, sasakyan, palengke, eh, IMEEsolusyon para mas protektado tayo kailangan pa rin nating magsuot ng face mask.


Kailangan na nating masanay sa ganitong klaseng pamumuhay na kasama na si “COVID”.


Iba na ang nag-iingat at sumusunod sa mga patakaran para sa kaligtasan ng ating kalusugan at pamilya. Dahil kapag hindi tayo nag-ingat, hindi lang sakit ang ating magiging problema, kundi butas din ang ating bulsa. Pero, paano kung wala rin tayong mahuhugot na panggastos, lalo na’t krisis ngayon at mataas ang presyo ng mga bilihin, ‘di ba?!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page