ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Jan. 17, 2025
Photo: Willie Revillame at Randy - Instagram
Nag-anunsiyo na si Willie Revillame na hanggang February 10 na lamang siya sa programang Wil To Win (WTW) na umeere sa TV5.
Sa huling araw daw niya sa show ay mamimigay siya ng premyo sa mga tao sa studio.
May limit lang ang mga papapasukin na studio audience, kaya tiyak na dudumugin ang show ni Wil.
Pahayag pa ni Willie, kahit wala na siya sa WTW, magtutuluy-tuloy pa rin ang kanyang show. Pansamantala, ang BFF niyang si Randy Santiago ang papalit at magho-host ng programa.
Well, kung anuman ang maging kapalaran ni Willie Revillame sa midterm elections, ipinauubaya na lang niya sa Diyos. Hindi siya nag-back-out na tulad ng inaakala ng iba noon, lalo na’t independent candidate siya at hindi sumama sa anumang partido.
Susubukan ni Willie kung may karisma pa siya sa tao. After all, puwede naman niyang balikan ang kanyang TV show upang makatulong sa mahihirap nating kababayan.
LABIS na ikinatuwa nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin ang pagpayag nina Judy Ann Santos at Mylene Dizon na mag-guest sa movie nilang Ex Ex Lovers (EEL).
Para na rin itong reunion ng kanilang GIMIK barkada, kaya nag-enjoy sila sa kanilang mga eksena.
Mula’t sapul ay close friends sina Jolens at Juday, kahit pilit silang pinagkukumpara ng mga fans. At kahit bihirang magkita sina Juday at Jolina, hindi nagbago ang kanilang friendship. Ramdam nila ang sinseridad ng isa’t isa.
Samantala, si Marvin Agustin ang paboritong leading man at screen partner ni Jolina. Swak na swak ang kanilang ugali at personalidad.
In fact, para kay Jolens, si Marvin ang kanyang soulmate dahil magkasundo sila sa maraming bagay. Ilang beses nang pinlano noon ang kanilang reunion movie, pero laging nauudlot. Hanggang sa dumating ang tamang panahon at natapos din nila ang pelikulang matagal nang hinihintay ng kanilang mga tagahanga.
Kaya hinay-hinay lang daw… KIM, AYAW NANG MASAKTAN, NAG-IINGAT KAY PAULO
Fangirl ang peg ni Konsehal Aiko Melendez nang tanungin niya ang psychic na si Jay Costura kung magkakatuluyan ba sina Kim Chiu at Paulo Avelino. Sobra raw siyang kinikilig sa tambalang KimPau na mala-KathNiel ang dating.
Wish ni Aiko na mauwi sa totohanan ang pagmamahalan ng dalawa dahil bagay sila sa isa’t isa.
Pero ayon nga sa psychic na si Jay Costura, medyo nag-aalangan si Kim sa kanyang feelings kaya ayaw pang bumigay kay Paulo. Nag-iingat lang ang Chinita Princess dahil ayaw na niyang masaktan pang muli pagkatapos ng breakup nila ni Xian Lim. Kaya panahon na lang ang makakapagsabi kung si Paulo Avelino ang itinakda para sa kanya.
Natutuwa naman ang KimPau fans dahil may movie ngayon ang kanilang mga idolo na ipapalabas na sa Marso. Wish nila na masundan pa ang mga projects na gagawin ng KimPau.
Payo naman ng mga netizens ay huwag ipilit ng mga fans na mauwi sa totohanan ang love team nina Kim Chiu at Paulo Avelino.
MARAMI ang nakakapansin na blooming ngayon si Lorna Tolentino (LT) at may kakaibang spark sa kanyang mga mata.
Nag-aayos na rin ngayon si LT at bumabalik ang dati niyang ganda. Kaya lahat ay naniniwala na may love life siya ngayon at may taong nagpapasaya sa kanya.
Inili-link ngayon si Lorna kay Supremo a.k.a. Sen. Lito Lapid na kasama niya sa Batang Quiapo (BQ). Usap-usapan sa showbiz circle na may “something” na raw kina LT at Sen. Lito. Pero walang pag-amin mula sa kanila, kaya marami ang nagsasabing promo lang ito para sa BQ.
Ganunpaman, tinutukso pa rin sila ng kanilang mga co-stars sa set ng BQ. Tulad ni John Estrada na pinapipili si Lorna kung ano ang gusto niya — tisoy o moreno?
Hindi ito agad masagot ni LT, kaya si John na ang sumagot ng “Moreno!”
At sino pa ba naman ang aktor na moreno kundi si Sen. Lito Lapid!
Marami ang kinikilig ngayon sa kanilang tambalang PrimAnda (Primo-Amanda) na mala-BarDa (Barbie Forteza at David Licauco) ang peg.
Comments