top of page
Search
BULGAR

Hanggang abang na lang sa benepisyo ang mga health workers

ni Grace Poe - @Poesible | August 23, 2021



Isa ang pagdiriwang ng mga tradisyon sa mga kasiyahang inalis sa atin ng pandemya. Tuwing Agosto 20, nagtitipon ang ating mga kapamilya, kaibigan, at tagasuporta sa North Cemetery para sa misa para ipagdiwang ang kapanganakan ni Fernando Poe, Jr.. Dahil sa mga restriksiyon para iwasan ang pagkalat ng impeksiyon, kani-kanyang pag-aalay ng bulaklak at panalangin lamang tayo ngayong taon.


Pero kahit walang pagtitipon, napakasaya natin dahil hindi nawawala si FPJ sa puso ng mga tao. Sa pamamagitan ng Panday Bayanihan, ang binuo nating pangkat kasama ang mga kaibigan at tagasuporta ni Da King, napapanatili nating buhay ang alaala ng aking ama sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa. Kabilang sa hinatiran natin ng tulong ang mga tsuper, magsasaka at mangingisda, at iba pang nawalan ng kabuhayan ngayong pandemya.


Hangad nating sa maliit mang paraan, maipadama natin sa ating mga kababayan na hindi natin sila nalilimutan, lalo na sa panahon ng pangangailangan. Tulad ng turo ni FPJ sa atin, walang iwanan.


◘◘◘


Sa paglabas ng audit report ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 funds, mapapaisip ka talaga kung hindi ba dapat suspendido na ang kalihim ng nasabing ahensiya sa ngayon, kung gagamitin ang pamantayang inilapat sa Philhealth officials na nasangkot sa kontrobersiya.


Kung matatandaan, ipinag-utos ng Ombusdman ang preventive suspension ng walong Philhealth executives at limang opisyal ng DOH noong isang taon dahil sa iba’t ibang paglabag kaugnay ng paggamit ng pera ng taumbayan ngayong pandemya.


Sa gitna ng pandemya, napakalaki ng atas sa DOH bilang tagapanguna sa ating laban sa COVID-19. Ito ang dahilan kung bakit pinaglaanan natin ng pondo ang mga programa ng nasabing ahensiya. Ang problema, ang ating medical frontliners, hanggang sa ngayon ay nag-aabang pa rin na matanggap ang kanilang benepisyo. May mga namatay na sa paghihintay ng kakarampot na pampalubag-loob.


Pananagutan ang isa sa pinakamahalagang katangian ng isang pinuno. Ito ang hinahanap natin sa DOH. Ang nangyayari sa DOH ay hindi na lamang kapabayaan. Ito ay kriminal. Namamatay ang mga tao dahil sa kamanhiran at kawalan ng aksyon ng nasa katungkulan.


Hindi pa ba puno ang salop sa DOH? Baka dapat nang kalusin.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page