top of page
Search
BULGAR

Hangga’t tuloy ang community quarantine, ayuda pa more!

ni Ryan Sison - @Boses | August 22, 2021



Dahil sa pangambang matigil ang pamimigay ng ayuda dahil sa pagtatapos ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Biyernes, itinutulak ng isang grupo ng manggagawa na ituluy-tuloy ang pagbibigay ng ayuda habang may COVID-19 pandemic, nasa pinakamahigpit mang lockdown o hindi.


Ito ay matapos mabanggit ni MMDA chairperson Benhur Abalos na maaaring wala nang ibigay na P1, 000 ayuda sa kada tao ang nasyunal na pamahalaan mula kahapon nang ipatupad ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila.


Gayunman, bagama’t mas maluwag ay marami pa ring establisimyento at negosyo ang hindi pa pinapayagang mag-operate sa ilalim ng MECQ, na dahilan upang hindi pa makabalik ng trabaho ang marami.


Matatandaang, hindi namimigay ng ayuda sa mga lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ) kahit pare-parehong apektado ng protocols ang ekonomiya at mga kabuhayan.


Hindi maitatangging napakaraming manggagawa na apektado ng ipinatupad na lockdown, kaya no choice kundi umasa sa anumang tulong na maibibigay ng gobyerno.


At bagama’t maganda ang layunin ng mungkahing ito, ang tanong, kakayanin ba? Ang pondo, saan kukunin?


Marami pang katanungan at bagay na dapat pag-aralan para sa hiling na patuloy na pamamahagi ng ayuda, kaya ang siste, kani-kanyang diskarte muna.


Paalala lang natin sa mga kinauukulan, ang mungkahing ito ang nakikitang paraan ng mga ordinaryong mamamayan na makatutulong sa kasalukuyan nilang sitwasyon. Kaya hangga’t maaari, makinig at gumawa tayo ng paraan upang mabasawan ang kanilang pasan.


Hindi natin sinasabing dapat umasa na lang sa gobyerno ang taumbayan, pero sana, kaunting saklolo pa para lahat tayo ay makaraos sa araw-araw.


‘Ika nga, wala namang may gusto ng mga nangyayari, kaya naman sa ngayon, wala tayong choice kundi dumiskarte upang patuloy na makapaghatid ng anumang tulong sa ating mga kababayan na higit na nangangailangan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page