ni Lolet Abania | February 17, 2022
Mananatiling mandatory ang pagsusuot ng face mask hangga’t hindi pa natatapos ang COVID-19 pandemic, ayon kay National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. ngayong Huwebes.
Sa isang interview, sinabi ni Galvez na siyang ring vaccine czar ng bansa, wala pa silang tinatalakay hinggil sa pagbawi ng face mask policy na aniya, maaaring ito ang huling polisiya na kanilang aalisin.
“Sa ngayon wala pa po kaming discussion sa ating pagtatanggal ng face mask, wala pa pong dini-discuss na ganoon. At ang sinasabi ko nga po sa ibang kasamahan natin sa media, talagang ang last na tatanggalin natin siguro ‘yung mask kasi ‘yun ‘yung pinaka-last defense natin,” paliwanag ni Galvez.
“So ang rekomendasyon po namin talaga is hanggang hindi pa natatapos talaga ang pandemya at saka hindi po natin masasabing secured or totally eliminated na ang COVID-19 ay hindi po natin matatanggal ‘yung face mask,” dagdag ng opisyal.
Una nang sinabi ni Galvez na ang ipinatutupad na mandatory na paggamit ng face mask ay posible aniya, “most likely be dropped by the fourth quarter of the year,” habang binanggit din niya sa interview na mangyayari lamang ito kung ang pandemya ay magiging “very manageable” na sa panahong iyon.
Comentarios