ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 18, 2021
Ngayong may pandemya at gipit na gipit ang ating mga kababayan, madalas na takbuhan, eh, 'yung mga lending companies na madaling mag-apply kahit sa cellphone lang.
Samu't sari ito sa cellphone at namamayagpag pa rin sila kung saan magpapakita lang ng dalawang government IDs, at magbibigay ng mga limang reference na may kaukulan ding contact number. Kabilang sa mga hinihinging reference ay mga kamag-anak, kaibigan at ka-trabaho.
Sa unang tingin, ikaw ay makaluluwag dahil mabilis nga naman maproseso at dahil sa dami nila nakatutuksong umutang dito, umutang doon.
Pero 'yun nga, aba, eh, base sa reklamong inilapit sa atin, kung umutang ng P5,000, halos tatlong libo o minsa'y kalahati na lang ang makukuha mo. Juicekolord, kaltas agad! At hindi lang 'yun, kapag nahuli ng pagbabayad, mayroon pang kasamang pananakot?!
Eh, ang siste pa ng mga lending company, tinatawagan nila lahat ng ibinigay na reference at minsan ay ipinahihiya pa ng husto ang taong nangutang sa kanila. Kumbaga, hina-harass ng mga ito ang mga umutang?! Juicekoday!
Kung ganito naman pala ang sistema ng mga lending companies, sa halip na makatulong, eh, lalo pang nagpapabaon sa nanghihiram ng pera at namamahiya pa!
Aba, kung ganyan rin lang, IMEEsolusyon d'yan, eh, 'wag na umutang sa ganyang mapanggipit na mga lending companies. Maigi pang sa kakilala o sa kaibigan na lang manghiram, pero siguraduhin mo namang ito rin ay iyong mababayaran sa petsang iyong itatakda.
IMEEsolusyon din na kung wala namang trabaho at wala ring katiyakang suweldo, 'wag na isubo ang sarili sa pag-utang sa ganyang mapang-harass na lending companies. 'Di ba?! Eh, kung may kakarampot na suweldo, matutunan nating pagkasyahin at ibadyet ng maayos. Magtanim tayo ng malunggay na puwedeng makain at iba pang mga gulay, mag-alaga ng mga sisiw sa bakuran at iba pa, 'di ba?!
IMEEsolusyon din sa mapanggipit na mga lending companies, ang mabantayan ang mga ito at puwede naman silang mapanagot sa kanilang mga panggigipit sa mga nanghihiram sa kanila! Ayon nga sa Securities and Exchange Commission (SEC) bawal ipahiya at i-harass ang mga nangungutang.
Pero kailangan na masiguro munang ang hiniramang lending companies ay lehitimo dahil kung hindi mababalewala rin ang reklamo sa SEC. Dapat ring masigurong may sapat na ebidensiya at mga dokumentong susuporta sa mga inirereklamong mga lending company at kailangang may valid government ID ang isang complainant.
Para naman maiwasan ang mga ganitong mga abala, iwasan na nating mangutang sa mga lending companies. Remember, mga dear, habang maiksi ang kumot, magtiis na munang mamaluktot.
Comments