top of page
Search
BULGAR

Handa ba ang NCR sa pagdagsa ng mga bagong sasakyan?

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 21, 2023



Habang abala ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kung paano reresolbahin ang labis na pagsikip ng daloy ng trapiko sa bansa, lalo na sa National Capital Region (NCR), tumaas naman ng hanggang 27.2% ang bentahan ng mga sasakyan sa bansa noong Pebrero.


Naniniwala ang local automotive manufacturers na malalampasan na ngayong taon ang pre-pandemic sales level nang hanggang 15% paglago kasabay ng “favorable” economic indicators.”


Ayon sa joint report ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA), tinatayang papalo sa 395,000 ang nakatakdang maibentang sasakyan ngayong 2023.


Buo ang paniniwala ng naturang grupo na makapagtatala ng 10% hanggang 15% paglago ng maibebentang sasakyan mula sa 352,596 na naitala noong nakaraang taon, sa year-to-date sales kung saan nasa 60,464 units na ang kanilang naibenta sa pagtatapos ng Pebrero.


Ang ulat na ito ay higit na mataas nang 34% kumpara sa inilabas na datos sa kaparehong panahon noong 2022, na isang malaking indikasyon na mas pataas patungo sa pag-unlad ang bentahan ng sasakyan.


Pinatotohanan ng CAMPI na patuloy ang paglago ng consumer demand para sa bagong motor vehicles na kung titingnan sa aspeto ng ekonomiya ay ramdam na ramdam ang pagsulong.


Para sa buwan ng Pebrero, nakapagbenta ang industriya ng 30,905 units ng sasakyan o 27.2% na pagtaas mula sa 24,304 units na naibenta sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, at 4.8% na mas mataas sa 29,494 units na naibenta noong Enero.


Isa umano itong indikasyon na patuloy ang progreso sa panig ng auto industry mula nang masadlak tayo sa kasagsagan ng pandemya, ayon pa sa pahayag ng CAMPI.


Mula sa nasabing bilang, ang passenger car sales ay mayroong 7,189 units, sa commercial vehicle sales naman ay 23,716 units, Asian utility vehicles (AUVs) sa 4,896 units; light commercial vehicles (LCVs) sa 18,035 units; Light trucks sa 438 units; at trucks at buses sa 347 units.


Dahil d’yan ang Pilipinas ay pumalo sa ranggong third para sa pinakamasiglang automotive market sa ASEAN sa buong taong 2022 kasunod ng Malaysia at Vietnam bilang overall regional car sales na lumago ng 22.7% at 23.9% paglago naman sa region’s motor vehicle production.


Ayon naman sa datos ng ASEAN Automotive Federation (AAF), ang car sales noong 2022 ay umabot sa 3,424,935 units mula 2,791,279 units noong 2021, maging ang ASEAN car production ng kasabay na taon ay tumaas din sa 4,383,744 mula sa 3,538,396 units noong nakaraang taon.


Naglabas din ng ulat ang AAF hinggil sa pagtaas ng benta at produksyon ng motorsiklo at scooter, kung saan Pilipinas ang nakakuha ng ikalawang puwesto.


Ang ASEAN countries ay nakapagbenta ng 4,049,598 units mula sa 3,550,848 units o 14% ng paglago, ang Thailand ang pinakamalaking merkado sa motorsiklo at scooter ay nakapagbenta ng 1,792,016 units mulasa 1,606,481 units noong 2021.


Ang Pilipinas ay naitala namang ikalawa sa may pinakamalaking merkado na may kabuuang benta na umabot sa 1,564,817 units mula sa 1,435,677 units.


Ganyan kalaki ang pinag-uusapang produksyon at bentahan ng iba’t- bang klase ng sasakyan, kabilang na ang motorsiklo— kahanga-hanga at napakabilis, ngunit kaya ba itong sabayan ng mga ahensya ng pamahalaan kung pagsikip ng daloy ng trapiko ang pag-uusapan?


Nakita natin kung gaano kabilis ang pagdami ng sasakyan sa lansangan, ngunit hindi naman lumalapad ang mga kalye at hindi nadaragdagan ang mga lansangan, kaya inaasahang lalong sisikip ang daloy ng trapiko sa darating na mga taon.


Sana lang ay nakahanda ang lahat ng ahensya ng pamahalaan hinggil sa pagdagsa pa ng mga sasakyan, gayundin sa inaasahang paparating na pagsikip pa ng daloy ng trapiko, lalo na sa NCR, na mistulang malaking parking lot tuwing rush hour.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page