@Editorial | May 01, 2021
“Mayo Uno sa Bagong Panahon — Manggagawa at Mamamayan: Babangon, Susulong!”
Ito ang tema ngayong ika-119 taong selebrasyon ng Araw ng Paggawa. Naghahatid ng paalala na kaya nating makabawi at may pag-asa sa gitna ng pandemya.
Mawalan man tayo ng trabaho o bumagsak ang negosyo, hindi rito natatapos ang lahat. Palaging may ibang paraan. Hindi imposibleng magsimula sa wala, dahil lahat ay d’yan naman nag-uumpisa. Puwedeng dumiskarte basta legal at magaling tayong mga Pinoy pagdating d’yan. Huwag nating isipin na wala na, hangga’t tayo’y humihinga — sobrang hirap, pero kaya.
Marami na tayong kuwentong nasaksihan o nabalitaan na matapos mawalan ng trabaho ay biglang umasenso. Sila ‘yung mga hindi natakot sumubok ng bagong mapagkakakitaan. Patok ang online selling, pagkakarpintero, paghahalaman at marami pang raket. Sadyang nasa dugo ng Pinoy ang pagiging mapamaraan. Ito ang dapat na matuklasan natin sa ating mga sarili.
Okay lang na paminsan-minsan ay mag-alala at isipin na paano na kaya bukas, normal lang ‘yan — ang hindi normal ay ‘yung magmumukmok ka na lang at walang gagawin.
Kung kinakaya ng iba na maitawid ang pangangailangan sa bawat araw at nakukuha pa ring maging masaya sa kabila ng lahat, ano’ng dahilan para hindi rin natin kayanin?
Samantala, nagpapasalamat at ipinagmamalaki natin ang lahat ng frontliners ngayong panahon ng pandemya. Silang nagbubuwis ng buhay para sa kaligtasan ng lahat.
Hindi matutumbasan ang kanilang pagseserbisyo, sila ang mga manggagawa na bayani sa bagong panahon.
Araw-araw natin silang pasalamatan, hindi lang isang beses isang taon, may pandemya man o wala.
Comments