top of page
Search
BULGAR

Hamon sa gobyerno, bigyan ng aklat ang bawat mag-aaral

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 12, 2024

Mahalaga na maging mabilis tayo sa proseso ng pagbili ng mga textbook sa public schools. Sa kasalukuyan kasi, may kabagalan ang procurement ng mga ito. 


Kung patuloy nating haharapin ang suliraning ito, ang kalidad ng edukasyong natatanggap ng mga kabataang mag-aaral ang maaapektuhan.  


Sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education,” lumalabas na mula 2012, 27 na textbooks lang ang nabili para sa Kindergarten hanggang Grade 10.


Nakasaad din sa pag-aaral na mula nang ipinatupad ang K to 12 curriculum, mga textbook lamang na para sa Grade 5 at 6 ang nabili. 


Tumutugma ang pag-aaral ng EDCOM II sa resulta ng 2019 Southeast Asian Primary Learning Metrics (SEA-PLM) kung saan lumalabas na isa sa limang mag-aaral sa Grade 5 ang nakikihati ng textbook sa isa o higit pang mag-aaral.  


Batay naman sa mga ulat mula sa National Book Development Board (NBDB) at sa private publishers, kabilang sa mga kinakaharap na hamon sa pagbili ng mga aklat ang kakulangan sa panahon para makabuo ng mga textbook, pati na rin ang napakatagal na proseso ng pagre-review ng mga ito.  


Napag-alaman ng inyong lingkod na kahit madalas na umaabot ng 18 buwan ang pagbuo ng mga textbook ayon sa NBDB, anim na buwan lang ang requirement ng Department of Education (DepEd) para isumite ng mga publisher ang kanilang mga draft at itugma sa requirement ng DepEd. Kadalasan, nauuwi ito sa mas mahabang proseso ng pagrebisa at pag-e-edit.  


Nakakadismaya rin ang kakulangan sa bilang ng staff ng DepEd na magre-review ng textbooks. Bukod dito, salu-salungat pa ang mga komentong natatanggap ng mga publisher mula sa iba’t ibang reviewer ng mga materyal.  


Hinimok na noon ng inyong lingkod bilang co-chairperson ng EDCOM II ang DepEd na bumili na lang ng mga textbook na gawa na, tulad ng ginagawa ng mga pribadong paaralan. Hudyat ito na dapat pagsikapan talaga ng ating pamahalaan na mabigyan ng mga aklat ang bawat mag-aaral.


Sa ilalim ng Senate Committee on Basic Education, pangungunahan natin ang oversight review sa Book Publishing Industry Development Act (Republic Act No. 8047) upang suriin kung nakakasabay ba sa digitalization ang publishing industry ng bansa.


Ilan sa mga aalamin natin ay mga tanong tulad na: Paano natin masusulit ang digitalization? Paano natin mahihikayat ang mga publisher na yakapin ang digitalization? At paano natin paiigtingin ang access ng publiko sa mga impormasyon sa pamamagitan ng makabagong mga teknolohiya?


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page