ni Jasmin Joy Evangelista | December 18, 2021
Halos 99% ng populasyon ng Siargao Island sa Surigao del Norte, kabilang ang mga turista, ang nasalanta ng bagyong Odette, ayon kay Surigao del Norte Representative Francisco Jose Matugas II ngayong Sabado.
"Siguro 90% ng 180,000 na population o 99% ng population doon kasama na 'yung mga turista [ang apektado ng bagyong Odette]," ani Matugas.
Sinabi rin ni Matugas na ayon sa kanyang ama na si Surigao del Norte Governor Francisco Matugas, ang isla ay nakaranas ng "total devastation."
"Sabi niya, total devastation talaga ang buong Siargao. So far, sa paglibot niya yesterday, sa limited na paglibot niya, wala siyang building na nakitang nakatayo. 'Yung mga sementado, either wala ng roof or kalahati na lang," pahayag niya.
"Mostly na mga 80% ng municipal buildings, mahirap na pasukan kasi nakakatakot na. 'Yung ospital naman, dahil located siya sa isang tago na lugar, minimal lang daw 'yung damage sa ospital," dagdag pa niya.
Totally damaged din ang airport terminal sa Siargao.
“'Yung tama ng Odette, direct hit kami, so kahit inland [tinamaan]. Kahit nga bahay nga namin, bumagsak. Inland, bumagsak din," ani pa Matugas.
Unang nag-landfall ang bagyong Odette sa Siargao Island bandang 1:30 p.m. noong Huwebes, Disyembre 16, bago nag-landfall sa Dinagat Islands bandang 3:10 p.m. Ang dalawang nasabing lugar ay isinailalim sa Tropical Cylone Wind Signal No. 4 noong kasagsagan ng bagyo.
Wala pa umanong pinal na bilang kung ilan ang total evacuees.
"Wala pang bilang kasi nag-conduct ng preemptive evacuation a week before pagdating ni Odette. Lahat nasa evacuation center especially those staying beside sa dagat, sa dalampasigan," aniya.
Nitong Biyernes ay humingi ng tulong si Matugas sa national government upang matulungan ang mga apektadong komunidad sa kanilang lugar.
Comments