ni Lolet Abania | February 19, 2022
Umabot sa halos 11,000 dayuhang turista ang tinanggap ng pamahalaan simula nang muling buksan ang mga borders ng Pilipinas para sa international travelers mula sa mga visa-free countries, ayon sa Department of Transportation (DOTr) ngayong Sabado.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOTr-Office for Transportation Security Administrator Raul del Rosario na nasa tinatayang 10,676 foreign tourists ang pumasok sa bansa simula noong Pebrero 10 (reopening date) hanggang Pebrero 15.
Aniya, umakyat sa 10% ang mga foreign arrivals na naging resulta sa bagong polisiya na ipinatupad ng gobyerno.
“Inaasahan pa natin na dadami pa ito pagdating ng summer months,” sabi ni Del Rosario. Binanggit naman ng opisyal na nasa 91% ng dumating na mga foreign nationals sa bansa ay fully vaccinated na kontra-COVID-19.
Ayon pa kay Del Rosario, karamihan sa mga foreign travelers na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay mula sa United States, Canada, the United Kingdom, Australia, at South Korea habang ang mga dumating naman sa Cebu, marami sa kanila ay mula sa South Korea, Singapore, Qatar, at the United Arab Emirates.
Sinabi pa ng opisyal na nagpaplano na rin ang mga airlines na i-boost ang mga flight capacity nila sa Marso bilang paghahanda para sa summer peak season.
“They’re looking forward to increasing arrivals by summer and they’re really preparing well. Excited sila dahil ito ay magbo-boost ng financial status ng mga airline,” saad ni Del Rosario.
Samantala, ipinahayag din ni Del Rosario na sa ngayon wala nang bansa ang nasa ilalim ng red list ng gobyerno, kung saan pinapayagan na ang lahat ng international travelers – Filipinos o foreigners – na pumasok sa Pilipinas.
“Wala na po ‘yung red list countries natin,” wika ni Del Rosario, na ang tinutukoy niya ay mula sa listahan ng destinations na unang hinigpitan ng Pilipinas na makapasok dahil sa COVID-19 situation sa mga naturang bansa.
Komentar