ni Anthony E. Servinio @Sports | Feb. 1, 2025
Photo: Salano at Hallasgo
Sabay-sabay mapupuno ang mga kalsada ng Muntinlupa, Cebu at Davao sa paglarga ng Run 7-Eleven 2025 ngayong Sabado at Linggo.
Ito na ang pagbabalik ng isa sa pinaka-inaabangang karera na tumatak na sa puso at isip ng mananakbong Filipino. Kabilang sa inaasahang libo-libong mga kalahok ay ilang mga kampeon at matunog na pangalan sa larangan ng takbuhan.
Pinangungunahan ito ng mga pambansang atleta Richard Salano na tatakbo sa Muntinlupa at Christine Hallasgo na lalahok sa Davao.
Inaabisuhan ang mga motorista na iwasan ang mga dadaanan ng karera na Filinvest-Alabang sa Muntinlupa, Citi de Mare sa Cebu at SM Davao Ecoland. Isasara ang mga kalsada sa Sabado bago umalis ang unang karera na Marathon o 42.195 kilometro sa 11:00 ng gabi.
Maliban sa Marathon ay may karera sa 32, 21, 10, lima at talong kilometro. Magkakaroon ng bagong kategorya na 711 metro para sa mga kabataan edad pito hanggang 11 taon.
Bibigyan din ng hiwalay na parangal ang mga Master Athlete o mga edad 60 pataas. Ito ay isa sa mga adbokasiya ng karera na kilalanin ang pagiging matibay ng mga ito sa paglipas ng panahon.
Mahalaga na mabatid na ang tatlong karera sa tatlong lungsod ay sabay-sabay aalis. Magkakaroon ng pangkalahatang kampeon ayon sa mga pinagsamang mga oras. Ang mga kampeon ay ipapadala para katawanin ang Pilipinas sa pandaigdigang takbuhan.
Sa mga nakaraang taon ay nagpadala ng mga atleta sa Vietnam at Thailand. Subalit sa huli ay ang karera ay selebrasyon ng pagtakbo. Aabangan ang pagbuhos ng mga regalo mula sa mga sponsor na naging tatak ng Run 7-Eleven sa nakaraang dekada.
Comments