ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 22, 2024
Photo: Brownlee at Kai Sotto - FIBA Asia Cup / Instagram
Mga laro ngayong Linggo – MOA
7:30 PM Hong Kong vs. Pilipinas
Inalis ng Gilas Pilipinas ang sumpa ng Aotearoa New Zealand, 93-89, sa MOA Arena Huwebes ng gabi sa pagpapatuloy ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifers Grupo B. Ito ang unang tagumpay ng mga Pinoy sa Tall Blacks matapos ang apat na pagkikita sa mga palaro ng FIBA mula pa noong 2016.
Nagsanib-pwersa sina Chris Newsome, Scottie Thompson, Kai Sotto, Justin Brownlee at Carl Tamayo para sa 16 walang-sagot na puntos at itayo ang 72-60 bentahe bago magsara ang pangatlong quarter.
Naging sapat ito at inalagaan ito ng mabuti sa gitna ng mga tangkang bumalik ng New Zealand sa mga napapanahong buslo nina Brownlee, Sotto at Dwight Ramos. Walas matimbang sa dalawang free throw ni Brownlee na sinundan ng pandiin na tres ni Newsome para lumaki sa 91-84 ang agwat at 1:09 sa orasan.
Kahit biglang uminit ang dating Converge import Tom Vodanovich, agad nabura ito ng apat na paniguradong free throw ni Brownlee, 93-89.
Halimaw si Brownlee sa kanyang 28 puntos at 11 rebound. Double-double din si Sotto na 19 at 10 reboud habang 12 si Thompson at tig-11 sina Newsome at Ramos. Sa bihirang pagkakataon na mas matangkad ang mga Pinoy kumpara sa kalaro, dinala ng Tall Blacks ang laro sa labas at bumomba ng 10 tres pero tabla pa rin matapos ang unang half, 45-45.
Nakalaro si Sotto at nabigyan ng pahintulot matapos maumpog ang ulo habang naglalaro sa Japan at hindi siya nag-aksaya ng panahon at labanan ang mga higante ng bisita.
Susunod para sa Gilas ang pagdalaw ng Hong Kong ngayong Linggo sa parehong palaruan. Madaling iniligpit ng mga bumisitang Pinoy ang Hong Kong, 94-64, sa unang nilang tapatan noong Pebrero 22 sa Tsuen Wan Stadium.
Comments