ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 20, 2022
“When it rains, it pours.”
Akmang-akma ang kasabihang ito sa ating industriya ng turismo, dahil sa sunud-sunod na magandang balitang hatid ng ating tourism industry nitong mga nakalipas na araw.
Wagi na naman sa world stage ang Pilipinas, matapos kilalanin bilang World’s Leading Dive Destination at World’s Leading Beach Destination ang ating bansa ngayong taon sa 29th World Travel Awards.
Ilang Philippine establishments din ang pinarangalan sa WTA tulad ng Amanpulo world’s leading dive resort for 2022; City of Dreams Manila bilang World’s Leading Casino Resort 2022; at Ascott Bonifacio Global City Manila bilang World’s Leading Serviced Apartments 2022.
Pang-apat na beses na tayong pinarangalan bilang World’s Leading Dive Destination sa nasabing awards.
☻☻☻
Ang mga sunud-sunod na pagkilalang natanggap ng ating bansa ngayong taon ay patunay lamang na hindi pahuhuli ang ating bansa sa taglay nitong alindog.
Noong nakaraang linggo ay binansagang Most Desirable Island ang Palawan ng Wanderlust magazine ng UK.
Hinirang naman ng magasing Conde Nast ang Palawan, Boracay at ilang hotel at resort sa bansa bilang mga top destinations at accommodations, kasabay ng pagtatanghal ng Time magazine ang Boracay bilang isa sa mga “world’s greatest places in 2022” noong Hulyo.
☻☻☻
Kasabay din ng mga award ang patuloy na pag-angat ng tourist arrivals. Ayon sa latest tally ng Department of Tourism (DOT), umabot na sa 2.025 milyong turista ang bumisita sa ating bansa ngayong taon, na mas higit pa sa projection nitong 1.7 milyong turista.
Nakapag-ambag ang tourist arrivals mula Pebrero hanggang Setyembre ng tinatayang Php100.7 bilyon sa ating ekonomiya, dagdag pa ng DOT.
☻☻☻
Nitong nakaraang linggo rin ay ipinasa ng Senado ang panukalang P3.5 billion budget ng DOT para sa susunod na taon.
Bilang chairperson ng Senate Senate Committee on Tourism, at sponsor ng DOT budget, buo ang ating paniniwala sa patuloy na pagbangon at paglago ng ating tourism industry.
Patuloy tayong nakikipagtulungan sa tourism stakeholders, sa pangunguna ng DOT, upang lalo pa itong makapag-ambag sa ating ekonomiya, lalo na sa rural areas.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments