ni Nitz Miralles @Bida | Jan. 20, 2025
Hindi blocked si Pokwang sa Instagram (IG) ni Lee O’ Brian dahil nakisali siya sa comment ng mga netizens at followers ng kanyang ex na nag-post ng birthday greetings sa anak nilang si Malia.
Ang ganda ng birthday greetings ni Lee sa anak at nag-throwback nang isilang si Malia.
May sinabi si Lee na, “We can see you. We hope we can see you. I miss you more than anything. Even though we’re not together, you’ll always be in my heart and you’ll always be mine. I love you so much.”
Kasi naman, binanggit pa si Pokwang ng mga nag-comment, kaya nag-react ito at tinawag na enabler ang mga nagtanggol kay Lee.
Nag-react si Pokwang sa mga comments na, “Let him be a father to your child. ‘Wag mong palakihin anak mo sa bitterness. Oo, me kasalanan ‘yung tao, sino ba ang wala?”
Sa nag-comment na parang kampi kay Lee, ang sagot ni Pokwang, “Hindi kami kasal and I thanked God for that, kapag nagkataon, hahati pa ‘yan sa pinagpaguran ko. Hay, susme.”
Pinalakpakan naman ni Pokwang ang nag-comment na walang karapatang batiin ni Lee si Malia dahil hindi siya nagpaka-tatay sa anak. Nag-agree rin si Pokwang sa comment ng isa pa na para lang sa content ang pagbati ni Lee.
Sa nagkumpara naman kina Pokwang at Ruffa Gutierrez at sa sinabing hindi siniraan ni Ruffa sa mga anak ang ama nila, sagot ni Pokwang, “Excuse me, Inday, ‘di ko s’ya siniraan sa anak n’ya! S’ya ang sumira sa sarili n’ya and si Ruffa at ako, tayong lahat, magkakaiba. ‘Wag kang feeling alam lahat, ‘kaloka ka!”
MAGRE-RENEW na ng kanyang kontrata sa GMA Network si Jennylyn Mercado at bukas, January 21, siya pipirma. Sa pagpirma ng aktres, matitigil na ang usap-usapang iiwan niya ang GMA para lumipat sa ABS-CBN.
Kahit sinabi na ni Jennylyn na hindi siya aalis sa GMA, marami ang hindi naniwala dahil expired na ang kanyang kontrata at wala pang contract renewal. Lalo pa at nag-recording siya sa Star Music at inakalang simula na ‘yun ng paglipat niya sa ABS-CBN.
Naghintay lang pala ng right time si Jennylyn at ang management niyang Aguila Entertainment bago siya pumirma.
Ang inaabangan ng mga fans ay kung bongga ba ang magiging contract signing ni Jennylyn dahil bongga ang kay Heart Evangelista.
Sa pagre-renew ni Jennylyn ng kontrata, ilalatag na rin siguro ang pagtatambalan nilang rom-com-action series ni Dennis Trillo na Sanggang Dikit (SD). Ang series din ang reunion project ng mag-asawa at magpapabalik sa aktres sa primetime.
Samantala, sa February 26 naman ang showing ng Everything About My Wife (EAMW) na tampok sina Jennylyn, Sam Milby at Dennis Trillo. Kaya sunud-sunod na naman ang project ni Jennylyn.
NATATAKPAN ng suot na gown ang mga braso ni Rochelle Pangilinan kaya hindi nito naipakita ang ipinagmamalaking muscle dala ng matinding pagwo-workout.
Pinaghandaan ni Rochelle ang role at karakter niyang si Karina sa Lolong: Bayani ng Bayan (LBNB) dahil magiging palaban si Karina (pangalan ng kanyang karakter).
“Nang matapos ang taping ko sa Pulang Araw, agad akong naghanda para sa Lolong. Kailangang hindi nila makita kay Karina si Amalia (pangalan ng karakter niya sa PA). Nag-isip ako kung ano ang gagawin ko at naisip kong mag-workout at nag-enjoy ako,” wika ni Rochelle.
Pressured nito si Rochelle dahil nagpakita siya ng galing sa pag-arte sa PA at ‘yun din ang ine-expect sa kanya sa Lolong.
Mukha namang hindi madi-disappoint ang kanyang mga fans dahil may acting at action scenes siyang ipapakita, kaya nga siya nag-training at nag-workout.
Comments