ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 23, 2024
Masyado nang nalalantad sa kahihiyan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan hinggil sa sunud-sunod na pag-atake ng mga hacker at ngayon ay kinumpirma naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nitong nakaraang Miyerkules ay hindi na rin nakaligtas ang website ng Senado.
Noong Martes pa ng gabi natiktikan ng cybersecurity group Deep Web Konek ang ginawang pagpasok ng DeathNote Hackers sa information technology system ng Senado.
Napag-alaman naman ng DICT na kinalikot umano ng grupo ang mga usernames at logs ng mga empleyado sa Senado.
Tiniyak naman ni DICT Asec. Renato Paraiso na naresolba na ang nasabing hacking subalit patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan sa Senado upang mapalakas ang kanilang cybersecurity.
Ilan sa mga ahensya ng gobyerno na na-hack ng nasabing grupo ay ang Bureau of Customs (BOC).
Noong nakaraang taon, na-hack ang Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) kung saan milyun-milyong datos ng mga miyembro ang nakompromiso.
Ang masakit sa sunud-sunod na pangyayaring ito ay tila wala namang paghahandang isinasagawa ang DICT para pigilan ito at sa halip ay proud na proud pa silang inaanunsiyo na may ahensya na namang na-hack.
Nakakaalarma na ang sunud-sunod na pangyayari at ang gustong marinig ngayon ng publiko ay mahuli na ang mga salarin sa likod ng walang humpay na hacking na ito.
Sabagay kamakailan lamang ay may nasakoteng grupo ng mga hacker ang National Bureau of Investigation (NBI) at sa kauna-unahang pagkakataon ay may naaresto, kaya posibleng matimbog din ang mga umatake sa website ng Senado kung ang NBI din ang tututok dito.
Apektado ang mga empleyado ng Senado hinggil sa naganap na hacking dahil hindi pa natin alam sa ngayon kung ano na naman ang magiging epekto nito — na sana ay wala namang grabe kaya dalangin nating masakote na ang mga walang respetong hacker na ito sa lalong madaling panahon.
Pilit nating inuunawa ang DICT na hindi talaga sapat ang kanilang kapasidad para pigilan ang pag-atake ng mga hacker ngunit naniniwala ako sa kakayahan ng bagong pamunuan ng NBI na sa tulong ng DICT ay mahuhuli rin ang mga masasamang-loob na ito.
Masyado nang hinahamon ng mga hacker na ito ang kakayahan ng pamahalaan kaya marapat lang na pag-ukulan natin ito ng pansin para maiharap sa media ang pagmumukha ng mga iyan at masampahan ng kaso.
Hangga’t pinapalampas kasi natin ang pag-atakeng ito ng mga hacker ay tiyak na mauulit at mauulit ang kanilang pagtatangka dahil natutuwa silang hiyain ang mga ahensya ng pamahalaan at ipakita sa buong mundo ang ating kahinaan.
Medyo nagpahinga saglit ang mga hacker na ito nang mahuli ng NBI ang ilan sa mga ito at isa nga ay editor pa umano ng kilalang pahayagan kaya ngayon ay muli na namang sumusubok ang mga hacker para patunayang nakatsamba lang ang NBI na makatiklo.
Sana sampulan uli ng naturang ahensya na makatimbog ng hacker at unahin nila ang mga umatake sa Senado para makampante na ang mga empleyado nito.
Sabagay hindi lang naman bansa natin ang may problema sa hacking dahil buong mundo ay dumaranas nito. Ang pagkakaiba lang nareresolba agad sa ibang bansa hindi tulad sa atin na parang pinaglalaruan ang ating mga ahensya ng mga kawatang ito.
Kailangan talagang kumilos, sa ngayon kasi ay talamak pa rin ang text scam at dagsa sa tanggapan ng Anti-Cyber Group ng Philippine National Police (ACG-PNP) ng nagtutungo para magsampa ng reklamo kasi nga wala namang nahuhuli.
Sa kabila kasi ng rehistrado na ang lahat ng SIM card sa bansa ay umaatake pa rin ang mga scammer dahil lantaran ang bentahan ng mga ito at kamakailan lamang ay napakaraming nakumpiska ng pulisya na registered SIM card na ipinagbibili sa murang halaga.
Ang sinasabi natin, kailangan talaga na tutukan ang problemang ito — kung kinakailangang magsagawa ng massive operation para maubos ang mga naturang sindikato ay gawin natin — hindi ‘yung magpepresenta ng huli kapag mainit ang sitwasyon para lang maipakitang nagtatrabaho, pero paghupa ng sitwasyon balik na naman sa panloloko ang mga scammer.
Kung tuluy-tuloy ang pagtugis sa mga hacker at maya’t maya ay may nahuhuli, tiyak na darating ang panahon na titigil na ang mga ‘yan lalo pa at marami na ang nakakasuhan.
Naniniwala naman ako na darating ang panahon na matutukoy na ng DICT ang mga hacker, sana lang ay makipag-ugnayan sila sa NBI para mapabilis ang trabaho.
Sa mga kababayan nating may kaalaman hinggil sa ginagawang ito ng mga hacker ay mangyari lamang na ipagbigay alam sa tanggapan ng mga otoridad upang mapanagot sila sa batas at tuloy ay makatulong sa pagsugpo ng kasamaan sa mundo.
Mabuti at medyo malakas ang ating cybersecurity group sa Senado at agad na natiktikan ang galawan ng mga hacker kaya kahit paano ay nakaporma ang information technology system ng Senado at ngayon ay lalo pa nilang pinalakas ang sistema para hindi magtagumpay ang mga ito.
‘Yung mga na-stress dahil sa hacking na ito ay medyo kumalma na dahil tiyak na ilang araw lang ay masasakote rin ang mga ‘yan dahil hindi naman tatantanan ‘yan ng pamahalaan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments