top of page
Search
BULGAR

Habla, nakahablot ng titulo sa Bangkok

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | January 8, 2021




Kinolekta ni Pinoy FIDE Master Jony Habla ang isang titulo sa labas ng bansa matapos itong mamayagpag sa Red Knights Chess FIDE Rated Tournament sa Bangkok, Thailand.


Nahablot ni untitled Jimson Bitoon ang huling upuan sa podium upang maging instrumento sa isang 1-3 na pagtatapos ng mga kinatawan ng Pilipinas sa paligsahang nilahukan din ng mga chessers mula sa Switzerland, USA Japan at Thailand.


Pitong beses sumalang si Habla sa board at mula rito ay nakatangay siya ng halos perpektong 6.5 puntos dahil sa anim na panalo at isang tabla. Nasa listahan ng mga naging biktima ng kampeon si topseed at FM Riste Menkinoski at si 4th ranked Poompoong Wiwatanadate ng Thailand.


Naturuan din ng leksyon ni Habla sina Swiss Nicolas Vogelsanger, kapwa Pinoy na si Henry Calacday at ang mga pambato ng punong-abala na sina Shin Jingjang at Farsi Rashid Alriyami. Tanging kay Bitoon lang siya nakutento sa isang hatian ng puntos.


Si Habla, naging hari rin ng 4th Thailand Rapid Chess Championships, ay may FIDE rating lang na 2129 pero nairehistro niya ang performance rating na 2300 sa paligsahan.


Samantala, isasagawa ngayong Sabado ang preseason matches ng Professional Chess Association of the Philippines o PCAP. Isang dosenang duwelo ang nakalatag para mga koponan mula sa North at South. Dalawang titled masters, isang senior, isang babae at tatlong homegrown chessers ang maglalaro ng rapid chess game at isang blitz kada koponan.


Nakatakdang magsimula ang PCAP First Conference sa Enero 16. Lalahok dito ang Antipolo, Cabuyao, Cagayan, Caloocan, Camarines, Cebu, Córdova, Cavite, Iriga, Iloilo, Isabela, Lapu-lapu, Manila, Mindoro, Negros, Olongapo, Palawan, Pasig, Quezon City, Rizal, San Juan, Surigao, Toledo at Zamboanga.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page