presyon ng dugo
ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 18, 2021
Dear Doc Erwin,
Ako ay may asawa, 35 years old at manggagawa sa pribadong kompanya. Ilang taon na rin akong umiinom ng gamot na inireseta ng doktor para sa aking high blood pressure.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga gamot ay naghahanap ako ng natural at alternatibong paraan upang mapababa ang aking high blood pressure. May mga nababasa ako na ang ilang essential minerals mula sa pagkain at bilang health supplements ay maaaring magpababa ng blood pressure. Ano ba ang mga essential minerals na maaaring magpababa ng aking blood pressure at saang pagkain ko makukuha ang mga essential minerals na ito? – Emerson G.
Sagot
Maraming salamat Emerson sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ayon sa pag-aaral, tumaas ang porsiyento ng mga Pinoy na may high blood pressure o hypertension. Mula sa 22 porsiyento noong 1997, ito ay umakyat sa 28 porsiyento noong 2013 at ngayong 2021 ay umabot na sa 37 porsiyento ang mga Filipino na may hypertension. Mas mataas ang statistics kung titingnan ang elderly population kung saan umaabot sa 72 porsiyento sa mga may edad ang hypertensive. Ang hypertension ay pangunahing dahilan sa pagtaas ng risk na magkaroon ng atake sa puso, heart failure at stroke.
Dahil sa mga nabanggit at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga gamot sa hypertension ay kinakailangan ng health sector na pagtuunan ng pansin ang mga paraan upang maiwasan ang hypertension. Ayon sa mga eksperto, maiiwasan ang pagtaas ng blood pressure kung matututunan ang pagkain ng healthy diet, regular na exercise at pag-iwas sa paninigarilyo.
Isang paraan din na inirerekomenda ng mga health experts upang mapanatiling mababa ang blood pressure ay ang pagkaing mayaman sa tatlong essential “macro” minerals na ito — ang potassium, magnesium at calcium.
Ang potassium ay macro mineral na tinaguriang “essential” dahil ito ay kailangan ng ating katawan para sa pag-function ng muscles at upang maiwasan ang muscle cramps.
Kailangan din ang potassium upang mapanatili ang normal na tibok ng ating puso. Ang kakulangan nito ay maaaring magdulot ng irregular na pagtibok ng puso o tinatawag na “arrhythmia”.
Importante rin ito upang mapanatiling relaxed ang ating mga blood vessels na nagpapababa ng ating blood pressure.
Ayon sa Office of Dietary Supplements ng Amerika, sa iyong edad na 35 ay kinakailangan ng 3,500 milligrams ng potassium araw-araw. Sa mga babaeng nasa edad 19 hanggang 50 ay kailangan ng 2,600 milligrams ng potassium araw-araw.
Mayaman sa potassium ang kamote, spinach, beans at prunes. Ang apricots ay isa sa pinakamayaman sa potassium. Maaaring din makuha ang potassium mula sa patatas, raisins, gatas at yogurt. Kung nanaisin ay available rin ang potassium bilang health supplement na nasa tableta o kapsula.
Ang pangalawang essential macro mineral na makatutulong na panatilihing mababa ang iyong blood pressure ay ang magnesium. Tumutulong ang magnesium na mag-regulate ng ating blood pressure, blood sugar at upang mag-function ang ating mga muscles at nerves. Nakatutulong din ito sa bone development at energy production.
Katulad ng potassium, ang magnesium ay tumutulong din sa pagpapanatiling relaxed ang ating mga blood vessels, kaya’t ito ay mahalaga sa pagpapababa ng ating blood pressure. Ang Recommended Daily Allowance (RDA) para sa magnesium sa iyong edad ay 420 milligrams araw-araw. Sa mga babae mula 31 hanggang 50 years old ay 320 milligrams ng magnesium araw-araw.
Pinakamayaman sa magnesium ang pumpkin seeds at chia seeds. Mayaman din sa magnesium ang brown rice, mani, saging, almonds at kasoy. Mayroong din mabibili na magnesium bilang tableta o kapsula.
Ang pangatlong mineral na panglaban sa hypertension ay ang calcium. Ang essential macro mineral na ito ay ginagamit ng ating katawan upang ma-regulate ang ating blood vessels. Ang iba pang gamit ng calcium ay ang pagpapanatili ng ating mga buto na malusog at ma-regulate ang ating mga enzymes at hormones sa katawan.
Ang Recommended Daily Allowance para sa calcium ay 1,000 milligrams para sa lalaki at babae na may edad 19 hanggang 50. Upang makakuha ng sapat na calcium ay kumain ng madahong gulay, salmon at sardinas. Bukod sa pagkain ay available rin ang calcium bilang health supplement na tableta o kapsula.
Kung hindi sapat ang iyong kinakain upang makuha ang mga nabanggit na essential minerals upang mapanatili na mababa ang iyong blood pressure, maaaring uminom ng mga ito bilang health supplement. Tandaan, magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ng sapat at tamang payo ayon sa iyong pangangailangan at kalusugan.
Sana ay nasagot ng artikulong ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comentários