ni Mai Ancheta | May 28, 2023

Sugatan ang 12 pasahero ng Asiana airlines matapos buksan ng isang lalaking pasahero ang emergency exit ng eroplano ilang minuto bago ito lumapag sa airport sa Daegu City, South Korea.
Nakunan ng video ng isang pasahero ang ginawa ng lalaking nagbukas ng pinto ng eroplano kung saan nataranta at naghiyawan ang mga nasa loob ng eroplano dahil sa takot.
Ang Flight OZ8124, isang airbus 321-2001 na may sakay na 194 na mga pasahero at umalis sa Jeju island ng alas-11:45 ng umaga noong Biyernes at pa-landing na ito sa Daegu International Airport ng mangyari ang insidente.
Nagtamo ng minor injuries at hyperventilation ang mga pasahero kung sana siyam sa mga ito ay isinugod sa ospital paglapag ng eroplano.
Ang iba ay hinimatay umano dahil nahirapang huminga dahil sa insidente.
Naaresto naman ang lalaking nagbukas ng eroplano na tinatayang nasa edad 30.
Sinabi ng suspek sa mga otoridad na pakiramdam niya ay hindi makahinga at nais na makalabas agad sa eroplano.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, hindi maayos ang pag-iisip ng suspect.
Sinabi naman ng isang pasahero na akala nito ay katapusan na niya at sasabog ang eroplano dahil sa ginawa ng suspek.
Comments