ni Lolet Abania | March 14, 2022
Nakaranas si presidential candidate at Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno ng tinatawag na costochondritis habang nangangampanya sa Sorsogon, ayon sa kanyang running mate Dr. Willie Ong ngayong Lunes.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Ong na nilapitan siya ni Moreno dahil nakaramdam ito ng chest pain.
“Tinanong ko siya, ilang minuto o oras na ‘yan sumasakit? Sabi niya ay buong umaga na, more than 1 hour na,” pahayag ni Ong.
Sinabi ng vice presidential bet ng Aksyon Demokratiko, ang sakit ay nag-ugat mula sa naranasang fatigue ni Moreno.
“Ayos naman ang pakinig ko sa puso niya. Ang sabi ko ay balewala ‘yan, sa buto lang ang sakit dahil sa sobrang pagod. Ang diagnosis ko ay costochondritis. Hindi ‘yan sakit sa puso,” giit ni Ong.
Nabatid na inasistihan at minonitor din ng misis ni Ong na si Dr. Liza Ramoso-Ong sa pagtsi-check kay Moreno. Ayon sa team ni Moreno na base sa paliwanag ng Mayo Clinic, “costochondritis is an inflammation of the cartilage that connects a rib to the breastbone, while the pain it causes may mimic a heart attack or other heart conditions.”
Tiniyak naman ni Ong, isang internist at cardiologist, na si Moreno ay malusog ang kondisyon. Sa isang ambush interview matapos ang town hall meeting sa Sorsogon, sinabi ni Moreno na ang kanyang lagay ay hindi ganoon kaseryoso.
“Nagkakaroon ako ng ano, eh, muscle pain lang pala. Kaya maswerte nga ako, sabi ko.
Kaya ‘wag niyo na kami paghiwalayin. Biruin mo saan ka nakakita, may vice president na ako, may doktor pa ko,” ani Moreno.
“Pero nothing serious… ‘Yung change nu’ng weather condition, plus ‘yung tedious schedule lang,” dagdag nito. “Okay naman, so far. Nothing to worry at all, as in literally zero,” giit pa ni Moreno.
コメント