ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | May 21, 2024
Panalo ang ginawang Fast Talk ni King of Talk Boy Abunda sa veteran showbiz writer and talent manager na si Lolit Solis sa birthday celebration nito last Sunday.
Maraming bagay ang kanilang napag-usapan, kabilang na ang love life ni ‘Nay Lolit.
“Love at this age?” gulat na sabi ni ‘Nay Lolit.
Tanong ni Kuya Boy, “May panahon ba na talagang ika’y nawala sa sarili dahil sa pag-ibig?
Naghabol ka ba sa isang lalaki?”
May humirit pa ng tanong kung nagbayad ba siya ng isang lalaki.
Sabi naman ni ‘Nay Lolit, “Parang hindi, eh. Parang hindi ako gagasta sa lalaki, parang ‘yan ang wa’ ko feel. Gusto ko, ako babayaran.”
Napag-usapan din ang kontrobersiyal na Manila Film Festival Scam noong 1994, na bukas na aklat naman sa publiko kung ano ang ginawa ni ‘Nay Lolit.
“The biggest mistake na ginawa ko, pero hindi ko pinagsisihan. Siguro, if I will live my life again, gagawin ko uli ‘yung scam,” sey ni ‘Nay Lolit.
Dito raw kasi niya nakita ang pagmamahal sa kanya ng mga taga-showbiz, kabilang na ang kanyang mga alaga na hindi raw siya talaga iniwan.
“Du’n nga lalong na-feel ko kaya nga yata ako lalong naging salbahe – kasi nakita ko lahat, lahat ng alaga ko, ipinagtanggol ako. Lahat nu'ng pinakitaan ko ng mabuti, sa mga showbiz writers, reporters, ipinagtanggol ako. Kaya I did not feel alone that time, na galit sa 'kin ‘yung buong Manila dahil sa kagagahan ko, ‘yung buong Pilipinas, kasi na-feel mo ‘yung love sa showbiz,” pahayag ni ‘Nay Lolit.
Ang itinuturing niya namang pinakamalaking blessing sa kanyang buhay ay nang mapasok siya sa showbiz dahil dito siya nakapagpundar ng sariling sasakyan at bahay.
Nang matanong kung sino ang gusto niyang kumain sa kanya kung sakaling ulam siya, naloka si ‘Nay Lolit.
“Kainin ako?” tanong niya ulit.
“Oo, Manay, adobo ka,” sagot naman ni Kuya Boy.
Nag-isip nang matagal si ‘Nay Lolit at binanggit ang favorite niyang Korean actor na si Jo In Sung.
Natanong din kung sino ang artistang gusto niyang tikman noon. Sagot ng kontrobersiyal na talent manager ay wala.
Sa tanong kung saan ang pinakamagandang lugar na naihian niya, tawa nang tawa si ‘Nay Lolit.
Aniya, “Ang pinakanahiya ako, nasa Lourdes (France) pa kami, ha, tapos ihing-ihi ako sa simbahan. Eh, hindi namin makita kung nasaan ang restroom, talagang nu’ng nakita ko ‘yung pader, du’n ako umihi. Paglingon ko, nagmimisa ‘yung pari. Hiyang-hiya ako,” kuwento ni ‘Nay Lolit.
Samantala, labis ang pasasalamat ng dating host ng Startalk sa lahat ng dumalo sa kanyang kaarawan lalo na nga ang kanyang mga alaga na sina Benjie Paras, Paolo Contis, Pauleen Luna, Tonton Gutierrez and wife Glydel Mercado, Congresswoman Lani Mercado, Christopher de Leon and wife Sandy Andolong, Tirso Cruz III and wife Lyn Ynchausti, Nanette Medved, Amy Austria among others.
Naroroon din sina Sen. Jinggoy Estrada, Rei Anicoche-Tan of Beautederm at marami pang iba.
Super-thankful din siya sa mag-asawang Sen. Bong Revilla and Congw. Lani na siyang sumagot ng kanyang lunch birthday party.
Comments