ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 18, 2023
KATANUNGAN
Dahil sa kakasubaybay ko sa inyo, Maestro, medyo marunong na ako sa Palmistry, pero may ilang bagay na gumugulo sa isipan ko o hindi ko pa masyadong alam tulad ng biglang huminto na Fate Line sa kalagitnaang bahagi ng palad.
Huminto kasi ang Fate Line ko pagkatapos nitong lumagpas sa aking Head Line. Ano ang ibig sabihin ng ganitong Fate Line, titigil ba ako sa trabaho ko ngayon?
KASAGUTAN
Sa sandaling huminto ang Fate Line (Drawing A. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanang palad matapos nitong lumagpas sa Head Line (H-H arrow b.), ito ay babala na maaaring sa rurok ng iyong magandang career o nagniningning na propesyon, bigla kang mawawalan ng trabaho o hanapbuhay. At kapag hindi na ito nagpatuloy, (arrow c.), ibig sabihin, habang ikaw ay tumatanda, wala ka na ring magiging regular o permanenteng hanapbuhay.
Ngunit kung ang nasabing Fate Line (Drawing B. F-F arrow a.), matapos huminto (arrow b.) ay nagpatuloy sa tinatahak niyang direksyon (arrow c.), at nakarating sa ilalim ng hinlalato o panggitnang daliri, ito rin ang Mount of Saturn (arrow d.) tiyak na kahit mawalan ka ng trabaho, sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, muli kang magkakaroon ng hanapbuhay o ibang source of income.
Sa kaso mo, Randy, ayon sa kaliwa at kanan mong palad, hindi na nagpatuloy ang nasabing Fate Line (Drawing A. F-F arrow c.). Ito ay malinaw na tanda na sa sandaling nawalan ka ng trabaho, hindi ka na muling magkakaroon ng regular na hanapbuhay o regular na pagkakakitaan. Sa halip, posibleng ang maging trabaho mo ay puro sideline o pa-extra-extra sa kung saan-saan.
Gayundin, dahil wala kang trabaho at walang magawa sa araw-araw, ang mangyayari ay pasunud-sunod ka na lang sa mga kaibigan mong may kaya sa buhay o pinagkakaabalahan o pinagkakakitaan. Sa ganitong paraan, pag-uwi ng bahay, kahit papaano ay may maiabot o maintrega ka kay misis.
MGA DAPAT GAWIN
Kung ganyan ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) ng isang indibidwal, kumbaga matapos gumanda ang guhit ay huminto (arrow b.) at hindi na nagpatuloy, wala siyang dapat gawin kundi ang mag-ipon nang mag-ipon para sa kanyang future habang maganda at masagana pa ang kanyang trabaho. Sapagkat tiyak na darating ang panahon na ang masagana at maunlad na hanapbuhay ngayon ay dagli ring mawawala at maglalaho sa kinabukasan.
Randy, habang malakas pa ang iyong hanapbuhay o maganda pa ang iyong income, tulad ng nabanggit, mag-ipon ka nang mag-ipon para sa kinabukasan mo, gayundin ang iyong mga anak at pamilya. Sa ganyang paraan, kahit mawalan ka ng regular na hanapbuhay sa susunod pang mga panahon ng iyong karanasan, puwede ka nang magpa-tambay-tambay dahil may naipon ka at naitabi para sa iyong future. Gayundin, kahit tutunga-tunganga ka na lang sa bahay, hindi ka magugutom ang iyong pamilya, dahil tulad ng nasabi na, ngayon pa lang ay matagal mo nang napaghandaan ang iyong future.
コメント