ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 7, 2023
Kahit saang sulok ng bansa hanggang Metro Manila ay inabot na ng katagang ‘habal-habal’, isang salita na ginagamit na ng lahat, ngunit marami sa atin ang hindi alam kung paano at kung saan ito nagmula.
Sa mga terminal ng jeepney, bus at istasyon ng tren kabilang na ang Light Rail Transit (LRT 1 at 2), at Metro Rail Transit ay may mga ‘kagulong’ na tayo na sumisigaw ng “habal!, habal!” at kapalit ng napagkasunduang halaga ay ihahatid ka na gamit ang motorsiklo.
Naglipana na ang iba’t ibang motorcycle taxi sa bansa, iba-iba ang pangalan at kinabibilangang kumpanya ngunit kahit anong tatak ng kanilang suot, lahat sila ay nakikisigaw ng “Habal! Ale, mister, habal!”.
Ang orihinal na habal-habal ay motorsiklo na nilagyan ng katig na kahoy sa magkabilang bahagi upang makapagsakay ng anim hanggang sampu katao kabilang na ang bitbit nilang bagahe at una ring tinawag na Skylab ang habal-habal, ngunit hindi naging popular.
Ang habal-habal ang ginagamit ng mga tao sa maraming lugar sa Mindanao, na nasa katimugang bahagi ng bansa, partikular sa mga bulubunduking bahagi na hindi kayang puntahan ng malalaking sasakyan.
Bagama’t wala naman talagang eksaktong petsa kung kailan nagsimula ang habal-habal ay tinatayang nasa 30 taon na itong ginagamit ng ating mga ‘kagulong’ bilang pribado at pangkabuhayang sasakyan.
Ang salitang ‘habal’ ay nag-ugat sa salitang Bisaya at Cebuano na ang tunay na kahulugan ay ‘ang aktuwal na pagtatalik ng mga hayop'—kung saan ang lalaki ay nakaposisyon sa likod ng babae, ngunit dahil sa nakagawiang paggamit na nito ay nagbago na ang kahulugan.
Literal na sex ang ibig sabihin ng ‘habal’ na aplikable rin sa tao, ngunit ang Habal-Habal ay para sa driver ng motorsiklo at pasahero na nasa ‘habal’ o animal position, kaya nabuo ang katagang ito na ngayon ay popular at ginagamit ng salita sa buong bansa.
Mula kabundukang bahagi ng Mindanao ay napakalayo na nang narating ng habal-habal at binago nito ang tanawin sa mga kanayunan kung saan kinatatakutan ang pagbiyahe dahil ngayon ay karaniwang tanawin na lamang ang umaandar na motorsiklo na may lulang sampu katao patungong kabayanan.
Ang motorsiklo ang pumuno sa malaking pagkukulang ng regular na pampublikong sasakyan na abot-kaya ang pamasahe ng mga low-income residents sa mga villages na ngayon ay nakasasabay na sa pamumuhay ng mga nasa sentro ng kalakalan.
Bago pa man nadiskubre ang habal-habal, ang mga tao ay naglalakad lamang, maging ang mga ordinaryong manggawa kabilang na ang mga guro sa mga kanayunan ay sanay na walang masasakyang transportasyon.
Ngunit dahil sa pagsulpot ng habal-habal ay bumilis ang buhay sa mga kabundukan, hindi na alintana ng mga tao ang layo ng paglalakbay dahil sa pagsisikap ng ating mga ‘kagulong’ sa kabundukan at ngayon hanggang siyudad ay inabot na ng kanilang sipag.
Hindi lang kabagalan ng buhay ang isinalba ng habal-habal dahil maging ang pasakit na dinaranas sa kasalukuyan ng napakaraming pasahero sa Kamaynilaan sa matinding sitwasyon sa trapiko ay kanilang pinagaan.
Mas marami na ang pinipili na lamang ang sumakay sa habal-habal kaysa magbayad ng napakamahal sa regular na taxicab na may ilang hindi pa gumagamit ng metro, nangongontrata at mas madalas ay hindi pa nagsasakay dahil namimili ng pasahero.
Maraming lalawigan na ang motorsiklo ay ginagamit na rin bilang pagtugon sa emergencies at mula sa payak na pinagmulan ng habal-habal ay napakalayo na nang narating nito at wala na itong atrasan hanggang sa mga darating na panahon.
Dahil din sa pagdami ng habal-habal ay nabuo ang Republic Act No. 10054 na mas kilala sa tawag na ‘Motorcycle Helmet Act’ na naisabatas noong Marso 23, 2010 na inaatasang magsuot ng helmet ang lahat ng sasakay sa motorsiklo para sa kani-kanilang kaligtasan.
Ngayon ay itinuturing na ring ‘King of the Road’ ang habal-habal na buong giting na ipinagmamalaki ng ating mga ‘kagulong’ sa tagumpay na kanilang narating.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios