ni GA / VA / Clyde Mariano @Sports | April 22, 2024
Tatlo na ang mga Filipinong gymnasts na kakatawan sa Pilipinas sa darating na Paris Olympics matapos mag-qualify ni Levi Jung-Ruivivar makaraan nitong magwagi ng silver medal sa women’s uneven bars event ng Doha, Qatar leg ng FIG Artistic Gymnastics World Cup Series noong Biyernes.
Muntik pang di umabot ng finals pagkaraang tumapos na pangwalo at huling qualifier sa naturang event, nakakuha ng iskor na 13.633 ang Fil-Am gymnast na nagbigay sa kanya ng una niyang World Cup medal gayundin ng minimithing Olympics berth.
Base sa panuntunan, tanging ang top 2 gymnasts lamang sa bawat apparatus pagkaraan ng apat na World Cup legs ang uusad sa Paris.
Nakamit ni Jung-Ruivivar ang kanyang Olympic seat nang pumangalawa ito sa uneven bars rankings sa natipon niyang 62 puntos.
Bago ang Doha leg, nasa ikalimang puwesto si Jung-Ruivivar na may 44 na puntos mula sa nakolekta nyang 14 puntos sa Cairo, Egypt leg, 12 puntos sa Cottbus, Germany, at 18 puntos sa Baku, Azerbaijan. Nadagdagan ang kanyang puntos at tumaas sa 62 matapos magwagi ng silver medal na may katumbas na 30 puntos.
Si Kaylia Nemour ng Algeria ang nagwagi ng gold sa nakuha nitong iskor na 15.366 puntos.
Gayunman, hindi siya binigyan ng ranking points dahil qualified na siya sa Paris Games matapos magwagi sa World Artistic Gymnastics Championships noong isang taon.
Bago ang Doha leg, nasa ilalim si Jung-Ruivivar nina Jennifer Williams ng Sweden at Vanesa Masova ng Czech Republic na kapwa may tig-48 puntos gayundin ng Isa pang Swedish na si Nathalie Westlund na mayroon namang 47 puntos.
Sa naunang tatlong World Cup legs, hindi tataas sa 8th place ang naitalang pagtatapos ni Jung-Ruivivar. Pumuwesto syang pang-13 sa Cairo, 12th sa Cottbus at pang-8 sa Baku.
Ito na ang pinakamaraming bilang ng gymnasts na sasabak sa Olympics para sa Pilipinas makalipas ang halos anim na dekada nang katawanin nina Norman Henson at Ernesto Beren ang bansa sa 1968 Mexico City Games.
Comments