ni Gerard Arce @Sports | July 15, 2024
Medal Tally (as of 4:40pm) G S B
1. National Capital Region 48 37 45
2. Western Visayas 34 24 27
3. Calabarzon 33 29 33
Namayagpag ng husto ang National Capital Region sa elementary girls swimming event matapos ang tig-limang gintong medalya na sinisid nina Sophia Rose Garra ng Malabon City at Alessandra Therese Martin ng Muntinlupa City, habang tig-2 gold medal ang nasungkit ng isang student-athlete mula sa taekwondo, table tennis at gymnastics na kinatampukan sa secondary girls ng nakababatang kapatid ni 2-time Olympian Edriel Carlos “Caloy” Yulo na si Elaiza Andriel Yulo para sa 2024 Palarong Pambansa sa Cebu City.
Solong nilangoy ng De La Salle Araneta University swimmer na si Garra ang 3 gold medal sa 50-meter backstroke, 100m backstroke at 200m individual medley, habang nakipagtulungan ito kina Gabrielle Gayle Ocampo, Adrienne Reese Tacuboy, Rielle Aislyn Antonio at kapwa golden girl na si Martin sa 4x100 at 4x50 medley relay.
Bukod sa dalawang ginto kasama ang mga nabanggit na swimmers, kumarera ang estudyante ng Paref Woodrose School na si Martin ng ginto sa 100-meter butterfly, 50m butterflystroke at 200-meter freestyle para maging pinakamaraming student-athlete na nagwagi ng ginto para sa powerhouse na NCR Region.
Nakipagsanib-puwersa naman si Carlos Gabriel Docto ng University of Santo Tomas kina Christine Golez at Emmanuel Chris Josh Yamson sa Mixed doubles at doubles sa secondary boys, ayon sa pagkakasunod para sa dagdag na dalawang gintong medalya sa table tennis, habang ang kapwa Thomasian na si Eljay Marco Vista ay sumipa ng mga ginto sa Individual Poomsae Category A (below 59kgs) at Team Poomsae Boys (Group Boys) kasama sina Ateneo Junior High School Jose Lucas Llarena ng QC at John Paul Soriano ng ADT Montessori ng Pasig City.
Nagpamalas ng angking husay ang mga gymnasts ng NCR sa pangunguna ng 14-anyos na si Yulo mula sa Adamson University sa secondary girls sa Individual All Around (C3) at Team Championship.
Comentarios