top of page
Search
BULGAR

Gutom, kahirapan, nagpapabagsak sa dignidad at yumuyurak sa pagkatao

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | May 08, 2021



Bago ang lahat, nais muna nating kumustahin ang ating mga kababayan. Sana’y patuloy tayong nasa maayos na kalagayan, malusog at walang anumang malaking suliranin.


Tayong mga Pinoy, karamihan sa atin, kahit gaano kalaki ang problema, natural ang palaging may ngiti sa mga labi. Hilig natin ang mga tsikahan, pakikipag-tropa — ‘yung tipong kapag nakasalubong natin ang kaibigan sa kalye, may beso-beso na, may payakap-yakap pa. ‘Yun nga lang, sa panahong ito ng pandemya, hindi muna ito puwede.


Kilala rin tayo sa pagiging pusong-mamon: maawain, madaling maiyak sa malungkot na sitwasyon at malambot ang puso sa pakikisimpatya. Siguro, dahil sa mga katangian nating ito, nagagawa nating magpaabot ng tulong sa ating kapwa sa anumang paraan.


Siguro naman, lahat tayo ay pamilyar na sa pagsulpot ng mga community pantry. Ang iba nga, nakatutuwa at may kani-kanya pang diskarte para dumugin. Paalala lang sana natin, maging maingat at palaging isaisip ang kalusugan kapag tayo ay nasa labas ng ating tahanan.


Mula nang humambalos ang COVID-19 sa iba’t ibang panig ng mundo, talagang dumami ang bilang ng nagugutom at naghihirap. Hindi lang sa atin kundi maging sa iba pang sulok ng daigdig.


Ayon sa Food and Agriculture Organization o FAO, humigit-kumulang 690 milyong indibidwal (katumbas ng 8.9 porsiyentong kabuuang global population) ngayon ang dumaranas ng matinding gutom at paghihirap.


Sa report ng FAO sa State of Food Security and Nutrition in World 2020, sinabi nilang maaaring pagdating ng 2023 ay posibleng umabot pa sa 840 milyon ang bilang ng mga ito.


Ang pandemya ng COVID-19 din ang sinasabi nilang dahilan ng lalo pang paglaganap ng malnutrisyon, partikular sa mga sektor na dati nang naghihirap.


Sa isinagawa namang survey ng Social Weather Stations (SWS) sa fourth quarter ng 2020, nakumpirma ang paglala ng taggutom sa bansa.


Kung noong 2019, naitalang 9.3 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang nagugutom, dumoble ang bilang ng mga ito nitong 2020 na umabot sa 21.1 percent o mahigit 5 milyong pamilya. Mas mataas pa sa naitalang hunger rates noong 2010 at 2011 na 19.9 percent.


Bagama’t bumaba ang total hunger rates sa 16 percent noong Nobyembre mula sa record high na 30.7 percent noong Setyembre 2020, hindi mapasusubaliang 4 na milyong pamilyang Pilipino ang nagdurusa mula sa matinding gutom.


Isinulong natin ang Right to Adequate Food Framework Act o ang Senate Bill 138 na nagpapatibay na hindi lamang para sa charity ang pagbibigay ng pagkain sa mga nangangailagan kundi legal entitlement. Dapat itong mabura sa ating lipunan dahil isa ito sa mga nagpapababa sa dignidad at yumuyurak sa karapatang-pantao ng ating mga kababayan.


Sa pamamagitan ng mga nagsulputang community party, maaaring matunton natin ang inaasam-asam nating Zero Hunger plan na pangunahing layunin natin sa ating panukala.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page