top of page
Search
BULGAR

Gutom at depresyon, lumalala sa gitna ng pandemya

@Editorial | September 27, 2021



Kaliwa’t kanan na naman ang mga nagaganap na karumal-dumal na krimen.


Araw-araw may pinapatay at nangyayari pa sa mismong tahanan. Anak pinatay ng magulang, magulang kinatay ng anak. Ang sinasabing ugat, kahirapan at depresyon.


Nakapanlulumo na grabe na ang epekto ng pandemya. Kung gaano tayo kaingat na hindi mahawa sa COVID-19, tila ganu’n naman kadali na mamatay dahil sa ibang dahilan.


Sa panayam sa mga nasasangkot sa krimen, ang madalas nilang rason ay dahil nawalan ng trabaho, wala nang makain, may sakit — tuluyan nang nawalan ng pag-asa.


Dumarami rin ang mga kumakapit sa patalim. May mga nagnanakaw, nagbebenta ng ilegal na droga, pumapasok sa sindikato, at lahat na ng puwedeng raket para makapang-scam at kumita ng pera.


Kaugnay nito ay ang panawagan sa ating gobyerno na mas tutukan ang mga problema na dulot din ng nararanasang pandemya. Hindi lang bakuna o pagpapatupad ng mga panuntunan laban sa COVID-19 ang dapat pagtuunan, ganundin ang mismong kalagayan ng kaisipan ng bawat mamamayan. Batid natin na may mga programa na ukol dito, sana ay mas mapalakas pa at mas lumawak ang nararating.


Sa mga nawawalan na ng pag-asa, alalahanin natin kung bakit tayo lumalaban. Hindi tayo dapat magpatalo sa anumang pagsubok. Minsan lang tayong mabubuhay, huwag nating sayangin at lalong ‘wag sukuan.

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page