top of page
Search
BULGAR

Gustong tumakbong senador… JANNO, 'DI SUPORTADO KAHIT NG MGA KAIBIGAN

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 14, 2024



Photo: Janno Gibbs - Instagram


Maraming pulitiko ang nagulat at nagtatanong kung seryoso ba si Janno Gibbs sa sinabi niyang may plano rin siyang kumandidato bilang senador sa 2028 elections.


Marami kasing celebrities ang kumakandidato ngayon sa midterm elections, kahit na mga veteran politicians ang kanilang makakalaban. 


Marami naman ang nagpapayo kay Janno na huwag na siyang sumabak sa pulitika upang hindi na niya magalaw ang kanyang ipon na pera. 


Maging ang malalapit na kaibigang artista ni Janno ay tutol na siya’y kumandidato sa 2028 elections.


Meron namang ayaw maniwala at baka raw joke-joke lang ito. Besides, matagal pa naman ang 2028 at hindi pa nga nagsimula bilang konsehal man lang si Janno Gibbs, tapos senador agad ang gustong takbuhin? 


Kahit na maganda pa ang intensiyon ni Janno, hindi para sa lahat ang pagpasok sa pulitika. Meron talagang nakatakdang maging pulitiko, tulad na lang ni Sen. Robin Padilla na nanalong number one senator. 


Si Isko Moreno, nagsimula bilang konsehal ng Maynila at naging vice-mayor pa noon hanggang naging mayor. Nag-aspire rin siyang kumandidatong pangulo, pero tinalo ni Bongbong Marcos. 


Ngayon ay nagbabalik si Isko Moreno at kumakandidato ulit bilang mayor ng Maynila. Let’s see kung may charisma pa siya sa mga Manileños.


 

MARAMING naantig sa istorya ng buhay ng Fil-Korean na si Julius Manalo, half-brother ng aktor na si Jay Manalo.


Itinampok siya sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) at sa Toni Talks ni Toni Gonzaga. 


Anim na taong gulang pa lang si Julius Manalo nang dalhin ng kanyang amang si Eustaquio Manalo, Jr. sa Pilipinas, kaya nahiwalay siya sa kanyang Korean mom for 31 years. 


Pinapaniwala siya noon ng kanyang mga magulang na sa Amerika siya magbabakasyon at babalik sa Korea after two weeks — isang bagay na hindi nangyari, kaya sobrang na-miss niya ang kanyang Korean mom.


Sa Pilipinas, mahirap ang naging buhay ni Julius. Nangangalakal siya at nagtinda ng basahan para lang mabuhay kasama ang kanyang ama. 


Ganunpaman, hindi niya nakalimutang banggitin at pasalamatan ang kanyang half-brother na si Jay Manalo, na nagpaaral sa kanya ng high school. Tinutulungan din siya noon sa aspetong pinansiyal. 


Naging scholar din sa college si Julius dahil sa paglalaro ng basketball. Nang makatapos sa kolehiyo, pumasok na siya sa pagiging pulis.


Mala-Korean drama ang buhay ni Julius Manalo at ang ginawa niyang paghahanap sa kanyang Korean mom na si Oh Geum Nim. Hindi na ito nag-asawa nang mahiwalay sa kanya si Julius. 


Dahil sa isang show sa Korea, nahanap ni Julius ang kanyang Korean mom na hindi niya nakita for 31 years. Naiyak kami nang idetalye ni Julius kay Toni ang paghahanap niya sa kanyang ina. Maging si Toni ay hindi napigil ang pag-iyak.


Magandang istorya kung maisasapelikula ang buhay ni Julius at ng kanyang ina. Sana ay maisama si Jay Manalo sa movie. Bagay na gumanap sa role ni Julius Manalo si Alden Richards o si Joshua Garcia na parehong magaling sa drama.


 

MASAYA ang reunion at pagsasama-sama ng mga dating members ng That’s Entertainment (TE) na binuo nina Harlene Bautista, Jennifer Sevilla at Melissa Silvano, katuwang ang anak ni Kuya Germs na si Federico Moreno at pamangkin na si John Nite. 


Muling nagkita-kita ang mga dating TE members sa Meats and Deli Resto sa The Grove, Rockwell sa Pasig.


Dumating sa reunion sina Ruffa Gutierrez, Ara Mina, Sunshine Cruz, Nadia Montenegro,

Assunta De Rossi, Karla Estrada, Jennifer Sevilla, Sharmaine Arnaiz, Ana Abiera, Maricel Morales, Cecille Galvez, Maffi, Precious Hipolito, Janet Arnaiz, atbp.. 


Sa mga TE boys ay dumating sina Keempee de Leon, Ramon Christopher, Chuckie Dreyfus, Ronnel Wolfe, Ryan Soler, Vincent Berba, atbp.. 


May mga nagtatanong kung bakit hindi nakarating sina Billy Crawford, Smokey Manaloto at Isko Moreno sa reunion dahil last year ay kasama sila. 


Masayang ibinalita ni Federico Moreno na may malaking selebrasyon na gagawin sa 40th anniversary ng TE sa 2026 kasabay ng mismong kaarawan ni Master Showman German Moreno (October 4). 


Next year, 2025, plano nilang gumawa ng fundraising projects bilang paghahanda sa 40th anniversary ng That’s Entertainment na gagawin sa Metropolitan Theater.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page