top of page
Search
BULGAR

Gustong sure win sa Senado… WILLIE, AATRAS ‘PAG FEELING NIYA, AYAW SA KANYA NG MGA BOTANTE

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Oct. 13, 2024



Photo: Willie Revillame / Wil to Win


So, hindi pa rin pala buo ang loob ng TV host na si Willie Revillame sa kanyang desisyon na tumakbong independent senator sa darating na midterm elections. 


Sa isang interbyu, nasabi ni Revillame na puwede pa rin daw siyang mag-isip at mag-back-out sa kanyang kandidatura kung magbabago ang kanyang isip. Puwede niya itong gawin hanggang December 2024. 


Sa ngayon, medyo pakikiramdaman muna ni Willie ang sistema at ang pulso ng mga botante. Magtatanung-tanong siya sa taumbayan kung tatanggapin siya bilang public servant o ipagpapatuloy na lang niya ang kanyang game show na Wil to Win (WTW).

Napakaraming kakandidato sa pagka-senador sa 2025 elections. Maraming comeback senators ang muling tatakbo at popular sila sa mga botanteng Pinoy tulad nina Panfilo Lacson, Tito Sotto, Manny Pacquiao, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Honasan, Chavit Singson, atbp..


Eh, labingdalawa lang naman ang dapat na pumasok na senador. Marami ang nagsasabing mas may chance raw si Willie Revillame kung sa partylist siya sumanib at maging congressman sakaling manalo ang kanyang partylist. 


Well, anything can happen hanggang December! Sa dami ng artistang kumakandidato ngayon sa iba’t ibang posisyon, mukha nang circus ang political arena.


 

Wa’ show sa pamilya pero…

CARLOS, GITARA ANG B-DAY GIFT SA PADIR


Lingid sa kaalaman ng mga vloggers, niregaluhan pala ni Carlos Yulo ng gitara ang kanyang Papa Mark Yulo noong kaarawan nito kamakailan. 


Hindi nga lang ito ipinost sa socmed (social media), pero hindi nakalimot si Caloy sa kaarawan ng kanyang ama.


Marami rin ang nag-abang kung babati at dadalaw si Carlos Yulo noong birthday ng kanyang Papa Mark pero hindi nga ito sumipot at nagpadala na lang ng birthday gift na gitara. 


Si Angelica Yulo naman ay isang brand new cellphone ang iniregalo sa kanyang mister na si Mark Andrew. 


Well, mukhang gusto na ngang magparamdam ni Carlos Yulo sa kanyang pamilya. Hindi nga lang niya ito lantarang magawa dahil sa mga bashers na laging nakatutok sa lahat ng kanyang aktibidades. 


Marami rin ang kumokondena kay Carlos sa patuloy niyang pandededma sa kanyang mga magulang at kapatid. 


Gayunpaman, para sa kanyang inang si Angelica Yulo, tuloy pa rin ang buhay at nagsisikap silang mapagaan ang sitwasyon, na hindi na umaasa pa sa pagbabalik ni Carlos Yulo.


 

NILINAW ng pole vaulter na si EJ Obiena na kailanman ay hindi siya nag-comment o nakisawsaw sa problema ng pamilya ni Carlos Yulo. Kaibigan niya si Caloy at proud siya sa naging achievement nito sa ginanap na Paris Olympics 2024. 


Malaking karangalan daw ang ibinigay ni Carlos sa ating bansa nang manalo siya ng dalawang gold medals bilang gymnast. 


Sa kabila ng mga intriga at batikos kay Carlos Yulo, marami pa ring malalaking kumpanya ang kumuha sa kanya at patuloy na nagtitiwala. Kaya naman si EJ ay naninindigan na wala siyang sinabing hindi maganda kay Caloy.


Nakikiusap si EJ sa publiko na huwag paniwalaan ang mga fake news na nagdadawit sa kanya sa mga naninira kay Carlos Yulo. Malaki ang respeto niya sa kapwa-atleta.


 

KAWAWA naman si Julie Anne San Jose, na-bash nang husto dahil sa kanyang performance sa loob ng isang simbahan.


Hindi naman kagustuhan ni Julie Anne ang nangyari, at biktima lang din siya, kaya hindi dapat siya na-bash. 


Ang may malaking kasalanan at pagkukulang dito ay ang organizer ng nasabing benefit show. Bakit hindi ito idinaos sa ibang venue at hindi dapat sa loob ng simbahan.


Wala pa kaming nabalitaan na ganitong klaseng benefit show, at hindi man lang ba itinanong ng handler ni Julie Anne San Jose kung bakit sa loob ng simbahan magso-show ang Limitless Star? 


Kailangan na maging maingat sa pagtanggap ng show ang sinumang talents. 

Matagal na inalagaan ni Julie Anne San Jose ang kanyang career at image sa showbiz. Unfair naman na sa isang pagkakamali ay huhusgahan siya ng publiko. 


Tao lang din siya na nagkakamali, pero wala siyang intensiyon na bastusin ang sagradong lugar. 


May leksiyon siyang natutunan sa nangyari, pero hindi siya ang dapat na bagsakan ng sisi. Pang-unawa at pagpapatawad ang kanyang hiling sa mga na-offend sa kanyang concert sa loob ng simbahan.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page