ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 24, 2021
Dear Sister Isabel,
Ako ay manager ng isang Korean Firm at ipinadadala ako sa iba’t ibang lugar upang i-promote ang aming produkto kung saan nag-i-stay ako sa lugar na ‘yun more or less than 3 months. Dahil d’yan, nagawa kong kaliwain ang asawa ko. Nakipagrelasyon ako sa isang babae na halos kalahati ang agwat ng edad sa akin at naanakan ko siya. Noong una ay naawa lang ako sa kanya dahil pagala-gala sa daan at bitbit ang dalawa pa niyang anak. Hiwalay siya sa una niyang asawa.
Maganda at bata pa siya kaya sa awa ko ay tinulungan ko siyang makatapos ng pag-aaral. Ibinahay ko siya at binigyan ng maayos na buhay. Nagmahalan kami kahit minsan ay halos ibig ko na siyang iwan dahil sa pagiging isip-bata niya. Tumagal ang relasyon namin hanggang noong third year high school siya at napansin ko na parang nawawala siya sa kanyang sarili. Kinausap ko ang mga magulang niya na kupkupin muli ang anak nila at ako na ang bahala sa gastos. Pumayag naman ang magulang niya.
Habang nanatili ako sa aking pamilya, nagulat na ako nang sinundan niya ako rito sa probinsiya namin. Hindi ko na nailihim sa asawa ko ang lahat at nagalit siya. Pinalayas niya ako hanggang tuluyan na kaming magkahiwalay. Nagsama kaming muli ng kabit ko. Natuwa ako dahil kamukha ko ang anak namin, pero napansin ko na sinasaktan ng asawa ko ang bata tuwing maiinis siya sa akin. Kinuha ko ang bata upang iligtas sa pananakit ng ina niya at pinatira ko sa tiyahin ko. Nag-away kami nang todo at kahit isinangguni ko sa barangay ang problema namin, pinaboran ng barangay ang nanay ng bata. Muli silang pinabalik sa probinsiya nila at tuluyan nang inilayo sa akin ang bata. Nag-aalala ako sa anak namin dahil baka saktan na naman ng nanay niya tuwing maiinis. Ano ang dapat kong gawin? Nawa’y mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo na magpapalubag sa loob ko.
Nagpapasalamat,
Jetro ng Batangas
Sa iyo, Jetro,
Lubhang masalimuot ang problema mo, gayunman, payapain mo ang iyong loob at tumawag sa Diyos. Tanggapin mo nang maluwag sa iyong kalooban ang nangyayari ngayon sa buhay mo. Hayaan mo na ang anak mo sa sarili niyang ina. Mamumulat din siya sa katotohanan na hindi niya dapat ibunton sa bata ang galit niya sa iyo. Makabubuting kausapin mo ang magulang ng kabit mo at sabihing kumonsulta sa mga eksperto upang maagapan at mailagay sa tama ang kanyang isipan, gayundin upang hindi na niya saktan ang anak n’yo.
Gayunman, ipagpatuloy mo ang pagpapadala ng sustento sa kanya at palaging kumustahin. Sa kabilang dako, humingi ka ng tawad sa asawa mo at magbagong buhay kayong muli. Natitiyak kong mapapatawad ka niya at bibigyan ng isa pang pagkakataon.
Ipagpatuloy mo ang taimtim na panalangin sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat na tulungan ka muling isaayos ang iyong buhay at mangakong hindi na muling matutuksong pumatol sa ibang babae upang hindi na maulit pa ang mabigat na problemang kinakaharap mo ngayon. Ang Diyos ay makatarungan. Kung nawalay man ang iyong anak, sa takdang panahon ay magkikita kayong muli at mauunawaan niya ang mga pangyayari.
Ang buhay ay sadyang ganyan, kani-kanyang problema ngunit alalahanin na may solusyon sa bawat suliranin. Magpakatatag ka at huwag mawalan ng pag-asa. Hanggang dito na lang, hangad ko ang kapayapaan ng iyong isipan. Ang pagpapala ng Dakilang Lumikha ay sumaiyo nawa.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments