top of page
Search
BULGAR

Gustong bumalik sa biological mom dahil may sakit

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | July 13, 2022


Dear Sister Isabel,


Isa akong ampon at uhaw na uhaw ako sa pagmamahal ng tunay kong ina. Lumaki ako sa pangangalaga ng umampon sa akin, pero nagkita na kami ng tunay kong ina at napakabait niya. Dama ko ang lukso ng dugo at mahal ko rin siya. Gayundin, ipinaliwanag niya kung bakit kami nagkalayo at naunawaan ko ang lahat nang walang bahid ng pagkamuhi sa kanya. Hindi ako galit sa kanya dahil naging ampon ako.


May malubhang sakit ako ngayon, pero hindi ko maramdaman ang pag-aasikaso ng umampon sa akin. Gusto ko nang tumira sa tunay kong ina, pero ayaw akong payagan ng umampon sa akin.


Willing naman ang tunay kong ina na magkasama kami at tuwang-tuwa siya kahit sinabi ko na may malubha akong sakit.


Ano ang gagawin ko sa mga umampon sa akin para payagan na akong makapiling ang tunay kong ina hanggang sa huling sandali ng aking buhay?


Nagpapasalamat,

Gloria ng Bataan



Sa iyo, Gloria,


Masakit din naman sa kalooban ng umampon sa iyo na iiwan mo na sila at du’n ka na mamamalagi sa tunay mong ina. Sa palagay ko ay iniisip nila na tuluyan kang mawawala sa piling nila matapos ang mahabang panahon ng pagpapalaki sa iyo. Gayunman, kausapin mo sila nang maayos at ipaliwanag na hindi ka naman totally mawawala sa buhay nila.


Ipangako mo na dadalawin mo sila nang madalas at ganu’n pa rin ang magiging pakikitungo mo sa kanila.


Sa palagay ko naman ay maiintindihan nila ang damdamin mo, gayundin ang pananabik na makapiling nang tuluyan at makasama habambuhay ang tunay mong ina.


Lahat ng bagay ay malulutas sa mahinahon at maayos na pakikipag-usap.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page