ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | August 10, 2022
Dear Sister Isabel,
Bakit puro nalang pagtitiis ang buhay sa mundo? Hindi na matapos-tapos ang problema, sasaya ka lang sandali, tapos may kalungkutang darating. Mabuti pa sa kabilang buhay, walang gutom at uhaw, wala ring pagod na mararamdaman. Puro maganda ang iyong matatanaw kasama na ang mg anghel sa kapaligiran.
Sister, gusto ko nang wakasan ang buhay ko para matapos na ang paghihirap ko. Simula’t sapul, puro na lang kalungkutan ang buhay ko dahil sa mga problema. Ayaw ko na talaga, suko na ako sa mundo.
Nawa’y mapalubag n’yo ang kalooban ko. Malaki ang tiwala ko na ikaw lamang ang magpapalubag sa aking kakooban para hindi mag-isip na wakasan na ang buhay ko rito sa daigdig.
Nagpapasalamat,
Gloria ng Batangas
Sa iyo, Gloria,
Isang mapagpala at magandang araw sa iyo. Think positive, ‘yan ang dapat mong gawin. Always think the good sides of life no matter what. Kapag palagi kang negative, puro kalungkutan ang darating sa buhay mo. Sa kabilang dako, kapag masaya ka, sasaya rin ang kapalaran mo. Kumbaga, kung ano ang iniisip mo, ‘yun din ang masasagap ng stimulus mo.
Nakasalalay sa mga kamay natin ang ating buhay at kaakibat nito ang pagdarasal. Sa awa at tulong ng Diyos, makakamit natin ang mga pagpapala at tagumpay. Everything you do, put God in it and He will crown your effort with success.
Huwag kang makakalimot na mag-ukol ng panahon sa Diyos dahil hindi ka Niya pababayaan. Siya ang bukal ng pag-asa, tagumpay at kaligayahan.
Gayunman, marahil, kaya walang patid ang problema mo ay dahil hindi ka na nakakapagsimba. Kung gayun, magsimba ka tuwing Linggo o pistang pinangingilinan. Mag-novena ka sa paborito mong Santo, kay Jesus o sa Mahal na Birheng Maria, at makikita mo na gagaan ang iyong buhay, gayundin, bihira lang ang kalungkutang daranasin mo. Ganyan ang buhay sa mundo, dapat mag-ukol ng kahit kaunting panahon sa Diyos.
Sa kabilang dako, hindi solusyon ang iniisip mong wakasan ang iyong buhay para matapos ang kalungkutan mo. Physical body mo lang ang mawawala, habang buhay na buhay pa rin ang kaluluwa mo. Nakatunghay ka sa mga mahal mo sa buhay na iniwan mo sa mundo, pero hindi mo na sila puwedeng hawakan, yakapin at halikan dahil wala ka nang physical body, bagkus ay kaluluwa ka na lang.
Dahil d’yan, huwag mong ituloy ang iniisip mo na wakasan ang iyong buhay. Isa pa, lahat ng problema ay may solusyon at walang permanente sa mundo. ‘Ika nga, kung may lungkot, may ligaya.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments