top of page
Search
BULGAR

Gusali ng Sacred Heart College sa Lucena, nasunog

ni Lolet Abania | October 8, 2020




Sumiklab ang apoy sa kabila ng malakas na ulan sa isang gusali ng Sacred Heart College (SHC) sa Lucena City kaninang umaga.


Sa inisyal na report ng hepe ng Lucena Police na si P/ Lt. Col. Romulo Albacea, hindi pa nila matukoy ang pinagmulan ng apoy na kasalukuyang kumalat sa gusali ng Nursing Department, kasama ang laboratory ng paaralan.


Sa iniulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Lucena, nagsimula ang apoy dakong alas-8 ng umaga.


Ayon naman kay Sgt. Rosemarie Angcana, opisyal ng Lucena Police Public Information (PPI), agad na rumesponde ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) at pulisya sa compound ng eskuwelahan sa Merchan Street upang apulahin ang sunog.

“They are still there at the site,” sabi ni Angcana.


Makikita sa isang video footage ng netizen na si Gino Uy na naglalagablab ang apoy sa bintana ng ikalawang palapag at biglaang pagsabog ng college building. Patuloy ang ginagawang pag-apula sa apoy ng bumbero sa eskuwelahan ng SHC.


Samantala, matatandaang noong January 1, 2019, anim na oras na tumagal ang sunog sa SHC. Kasalukuyang may misa noon at lahat ng mga nagsisimba ay nagsilabasan dahil sa pagsiklab ng apoy.


Isa sa mga kilalang Catholic educational institutions ang SHC sa lalawigan ng Quezon na naitatag sa lugar noong 1884 bilang paaralan ng mahihirap na estudyante. Nasunog noon ang main building at ang ibang gusali sa loob ng compound sa Barangay 11. Wala namang naitalang nasaktan sa sunog noon.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page