ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 16, 2021
Pinaulanan ng air strike ng Israel ang 13-palapag na gusali kung saan nananatili ang Qatar-based Al Jazeera television at American news agency na The Associated Press sa Gaza Strip noong Sabado.
Gumuho ang naturang gusali at saad ng Al Jazeera, "(Israel) destroyed Jala Tower in the Gaza Strip, which contains the Al Jazeera and other international press offices."
Nangako naman ang Al Jazeera Jerusalem bureau chief na si Walid Al-Omari na hindi mapapatahimik ng insidente ang naturang network.
Aniya, "Clearly there is a decision not only to show destruction and killing, but also to silence those who broadcast it.”
Ayon din kay Al-Omari, ang naturang pagpapasabog ay upang mapatahimik ang media "that are witnessing, documenting and reporting the truth of what is happening in Gaza. "But this is impossible.”
Ayon naman sa may-ari ng Jala Tower na si Jawad Mehdi, nakatanggap sila ng babala mula sa Israeli intelligence officer na palikasin ang lahat ng nasa gusali sa loob ng isang oras bago maganap ang pagpapasabog.
Humingi umano siya ng 10 minutong karagdagan upang mailikas ang mga mamamahayag ngunit hindi pumayag ang naturang opisyal ng Israel. Samantala, simula noong Lunes, lagpas na sa 139 katao ang nasawi sa pagpapaulan ng air at artillery strikes ng Israel sa Gaza at higit 1,000 na ang sugatan, ayon sa health official.
Sampu naman ang nasawi sa pag-atake ng Palestinian armed group sa Israel.
Comments