ni Mabel G. Vieron @Special Article | December 2, 2023
Guro o titser. Sanay tayo at nakamulatan na nating makita sila sa loob ng klasrum ng paaralan o kaya ay bilang private tutor.
Pero ang makita silang nasa loob ng city jail at nagtuturo sa mga preso, na-imagine n'yo ba ang kanilang "BUHAY SA LOOB"?
Ang kuwento ng buhay ng guro mula sa Macario B. Asistio Sr. High School – Unit 1 na si Mrs. Rosalina Nava, 56-anyos, ang napili naming ibahagi sa inyo dahil 'di lang ito nagbibigay ng inspirasyon sa lahat kundi nagpapakita rin ng ibang aspeto ng buhay na hindi natin nakasanayan.
Para sa gurong si Mrs. Rosalina Nava, ito ang tungkulin na labis niyang kinasisiyahan. Sa loob ng 31 years niyang pagtuturo, naging parte na ng buhay niya ang kanyang mga estudyante.
“Grade 1 pa lang ako, gustung-gusto ko nang maging teacher. Number 1 choice ko talaga ang pagiging guro,” simula niya.
Kahit na mas gusto ng kanyang ina para sa kanya ang Nursing, ‘di ‘yun naging hadlang para abutin ang kanyang pangarap na maging guro.
At ang pagtuturo para sa kanya ay hindi lang para sa kabataang nagsisimula pa lang hubugin para matuto, dahil ang kadalasang mga hawak niyang estudyante ay ‘yung mga maagang nagsipag-asawa pero gustong tumuloy sa pag-aaral sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education.
“Puro kabataan pa, ‘yung mga pasaway sa regular school. Siyempre, 8 ang teacher, ‘pag nakaayawan nila ‘yung isa, hihinto na ‘yan mag-aral, tapos sa susunod na taon, ganu’n na naman,” paliwanag nito sa isa sa mga pagsubok na kaakibat ng pagtuturo niya sa ALS.
Lingid sa kaalaman ng iba, ang ALS ay mayroong dalawang klase — ang face-to-face at modular.
“Mas naging challenging sa akin ang pagtuturo rito, dahil du’n sa regular siyempre, natututukan mo sila, hindi katulad dito, para na kasi silang nawalan ng pag-asa.”
Hindi naging madali kay Ma’am Nava ang pagtuturo ng ALS, at kuwento pa nga niya, dati ay may naging estudyante siyang 56 at 64 years old na kumbaga, naghahanap lang umano ng satisfaction sa kanilang sarili.
“Mayroon akong naging estudyante, tatlo na noon ang anak niya, hindi siya nakapagtapos ng hayskul at nangibang-bansa na. Nu’ng nakapagtapos na ang kanyang mga anak, at may sari-sarili na ring pamilya, siya naman ‘yung nag-aral. Kaya silang mag-iina ang naging estudyante ko,” kuwento ni Ma’am Nava habang kitang-kita sa mukha ang kagalakan.
Mas pinili diumano niya ang ALS dahil dito siya mas na-challenge, at natuturuan niya pa ang mga kabataang nawalan na ng pag-asang makapagtapos.
At kung hindi naging madali kay Ma’am Nava ang pagtuturo ng ALS, ganu'n din ang kanyang naramdaman nang ma-assign siya sa Caloocan City Jail.
“Noong una, ayoko pang tanggapin ‘yun, kasi ayaw din ng mga anak ko, natatakot sila para sa akin. Kahit kasi hindi ka pa nakakapasok sa jail, matatakot ka talaga lalo na sa mga pelikulang napapanood natin. Akala mo maho-hostage ka ru’n, pero hindi kasi ‘yun ganu’n.
Unang-una, under process pa ‘yung kaso nila, kumbaga nagpapakabait pa sila r’yan,” dagdag-kuwento ni Ma’am Nava.
Ang una niyang naramdaman nu’ng mga panahong ‘yun ay takot, pero nu’ng mag-retire diumano ang isa niyang kasamahang guro sa city jail, siya na ang kinuha bilang kapalit nito.
Sa katunayan, nagdalawang-isip diumano si Ma'am Nava noon dahil tutol din ang kanyang mga anak at nag-aalala rin para sa kanyang kaligtasan. Halos 2,000 inmates umano ang nandu’n, at 800 sa mga ‘yun ay ‘di na nakapag-aral.
Kuwento nga niya, noong pandemic, nagkagulo sa loob ng kulungan at may binawian ng buhay.
Muntik na niyang iwanan noon ang pagtuturo roon pero aniya sa sarili, “Bahala na, bahala na ang Diyos.”
Sa dami diumano nilang ALS teacher, wala ni isang pumayag na magturo sa jail. At kung aayaw pa umano siya, paano na lang ang mga presong nangangailangan din ng edukasyon?
Kaya kung mayroon diumanong pasasalamatan si Ma’am Nava, ‘yun ay walang iba kundi ang kanyang kaibigan na naglakad ng kanyang papeles para maging ganap siyang ALS teacher.
Ang mahalagang aral na kanyang natutunan sa kanyang pagtuturo ay kailangang devoted ka sa iyong ginagawa. Kinakailangan niyang pagbutihin ang pagiging guro lalo na sa kanyang mga ALS students dahil dito niya nakita na halos lahat ng problema ay nasa kanila na.
Sa tuwing napapayuhan niya ang kanyang mga estudyante, mas nabu-boost ang kanilang moral upang ipagpatuloy ang kanilang buhay kahit na sila ay nagkamali.
“May chance pa sila. Ang ALS kasi ay second chance,” pang-eengganyo pa ni Ma’am Nava sa mga gusto ring ipagpatuloy ang pag-aaral sa kabila ng mga kabiguan sa buhay.
Ang payo naman na maibibigay niya para sa mga kabataan ay ipagpatuloy lamang ang pagsisikap, kahit ano pang kamalian at problema ang ating kaharapin, patuloy pa rin tayong maging matatag, lumaban at harapin ang bukas.
Tunay ngang ‘pag mahal mo ang iyong trabaho, walang makapipigil sa iyo para mapagtagumpayan ito.
Maraming salamat sa dedikasyong ipinapakita mo, Ma’am Rosalina Nava, isa kang malaking inspirasyon kaya mula sa pahayagang BULGAR, saludo po kami sa inyo!!!
Comments