ni Angela Fernando @News | September 7, 2024
Binigyang-diin ng abogado ni Alice Guo na walang magagawa ang napatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac, kundi dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Gayunpaman, sinabi rin ng kanyang abogado na maaaring hindi siya makapagsalita nang malaya gaya ng inaasahan ng mga senador dahil sa mga kasong kinakaharap niya.
Sinabi ng abogado ni Guo na si Stephen David na pinayuhan niya ang kanyang kliyente na magsabi ng totoo, ngunit binigyang-linaw din niya na tungkulin niyang ipaalam sa kanya ang mga karapatang konstitusyonal nito, kabilang ang karapatan laban sa self-incrimination.
"She will tell all, ang problema lang right now, ang daming kaso. So anything na sabihin niya may be used for or against her — kasi madaming kaso. May money laundering, may human trafficking, may Ombudsman.
Ano ang puwede niyang sabihin as a resource person...? Na hindi siya mai-incriminate sa kanyang sarili sa mga criminal cases. 'Yan ang dilemma ngayon," saad ni David.
Matatandaang nahaharap si Guo sa iba't ibang kaso ng money laundering pati na rin mga reklamo ng human trafficking na kasalukuyang nakabinbin sa Department of Justice (DOJ).
Comments