ni Lolet Abania | July 27, 2021
Tiniyak ng Malacañang na walang dapat ikabahala ang publiko sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos maiulat na nawalan ito ng balanse nang naglalakad na papasok ng podium kahapon para ibigay ang kanyang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA).
“I don’t think it’s anything to worry about kung ang iniisip ng taumbayan ay ang kanyang kalusugan,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang interview ngayong Martes. “Parang nadulas lang siya kahapon,” dagdag ng kalihim.
Ayon kay Roque, ang 76-anyos na si Pangulong Duterte sa kabila ng pagiging isang senior citizen ay wala namang “ekstraordinaryong problema.” “Alam n’yo, wala naman po siyang extraordinary na problema. He is who he is, he is a senior citizen, at mukhang nadulas lang naman siya kahapon,” sabi ni Roque.
Samantala, isa sa mga nabanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang 3-oras na SONA kahapon ay hindi na niya kayang i-pronounce nang tama ang mga salita sa inihandang speech at nagbirong baka tinamaan ng COVID-19.
Tinanong din ng Punong Ehekutibo kung mayroong ambulansiya na nakaantabay sa kanya. Marami sa mga nasa loob mismo ng plenary sa Batasang Pambansa Session Hall ay natawa sa naging pahayag ng pangulo. Gayunman, nakumpleto na ang two-dose ng COVID-19 vaccines at fully vaccinated na si Pangulong Duterte noon pang Hulyo 12.
Comments