top of page
Search
BULGAR

Gumegewang habang naglalakad at naglalaway, dinanas ng 13-anyos bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 10, 2020


Kambal na kalbaryo— ito ang muntik nang pagdaanan ng pamilya Cariño ng Pampanga. Nalagay sa peligro ang isa nilang kapamilya na si Roshaine Cariño na ikinasawi nito, at ang isa pa ay naligtas sa parehong kapalaran dahil ang edad diumano nito ay lampas na sa kinakailangang maturukan ng bakuna. Ang bakunang ito ang pinaniniwalaan nilang sanhi ng trahedyang sinapit ng nasawi nilang anak na si Roshaine.

Anang mga magulang ni Roshaine na sina G. Romeo at Gng. Virginia Cariño:

“Ang aming anak na si Roshaine ay nabakunahan ng Dengvaxia. Una, noong April 29, 2016, pangalawa noong November 4, 2016 at panghuli noong May 5, 2017. Siya ay nabigyan ng bakuna sa xxx Elementary School (hindi pinangalanang paaralan) Minalin, Pampanga. Samantalang, ang aming anak na si Johnrev ay hindi nabakunahan dahil siya ay lampas na sa edad na kinakailangang mabakunahan.”

Maaalala natin na sa mga kasong hawak ng PAO na may kaugnayan sa nasabing bakuna, may mga hindi na menor-de-edad sa mga biktima. Sa sitwasyon ng mga Cariño, nasabi nila ito: “Naisip namin na mabuti pala at hindi na naturukan si Johnrev dahil baka kung naturukan siya ay matutulad siya kay Roshaine.”

Si Roshaine ay 13-anyos nang namatay noong Pebrero 19, 2018. Siya ang ika-23 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Nang matapos ang ikatlong turok kay Roshaine, madalas na siyang nilalagnat, sumasakit ang tiyan at ulo. Noong mga huling araw ng Setyembre, 2017, sinabi ng kanyang guro sa kanyang mga magulang ang naobserbahan nitong kakaiba niyang ikinikilos sa eskuwelahan. Si Roshaine ay gumegewang na naglalakad at naglalaway na parang na-stroke. Pagkatapos nito, nagreklamo si Roshaine ng pananakit ng ulo at paglabo ng kanyang paningin. Umusli at lumuwa na rin ang kanyang mga mata.


Pagdating ng Oktubre at Disyembre, 2017, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Roshaine. Narito ang ilan sa mga detalye ng kanyang mga pinagdaanan:


1. Oktubre 3, 2017: Isinailaim siya sa x-ray at CT scan sa ospital. Ayon sa doktor, may bukol sa brainstem ng ulo ni Roshaine. Kinakailangan diumano siyang isailalaim sa MRI para makita ang sanhi at kung saang parte ng kanyang ulo naroon ang nasabing bukol. Hindi agad napa-MRI si Roshaine dahil nag-ipon pa ng pera ang kanyang mga magulang. Hindi na bumalik sa normal ang kilos niya, ang kanyang mga mata ay lumala pa.

2. Disyembre 20, 2017: Kinumbulsiyon si Roshaine. Muli siyang isinugod sa ospital at agad na dinala sa Intensive Care Unit (ICU) dahil siya ay nahihirapang huminga at marami diumano siyang sipon dahil sa pulmonya. Nilagyan siya ng oxygen. Bahagyang naka-recover si Roshaine, subalit hindi na siya makatayo at makapagsalita. Pinayuhan ang kanyang mga magulang na ilabas na siya para hindi na mahawa pa sa sakit ng ibang mga bata, kaya sa bahay na nila siya inalagaan. Hindi na bumuti ang kalagayan ni Roshaine pagkatapos noon.

Pagsapit ng Enero hanggang Pebrero, 2018 ay lumubha ang kondisyon ni Roshaine, na humatong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilang detalye sa mga nangyari sa kanya:


1. Enero 25, 2018: Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri sa ospital. Pagkatapos makita ng doktor ang resulta ng MRI ni Roshaine, sinabihan ang kanyang mga magulang na mabilis ang paglaki ng bukol sa ulo niya sa loob lamang ng tatlong buwan. Nakitaan din ng doktor ng pagtutubig sa ulo niya. Hindi umano matatanggal ang bukol sa ulo ni Roshaine, ngunit maaari siyang makasama ng kanyang mga magulang nang walong buwan hanggang isang taon kung matatanggal ang tubig sa kanyang ulo. Subalit sinabi rin ng doktor na kung matanggal man ang tubig sa ulo niya, parang lantang gulay pa rin siya kaya nagpasya na lamang ang mga magulang niya na iuwi siya upang makasama siya kahit sa maikling sandali.


2. Pebrero 19, 2018: Hindi bumuti ang kalagayan ni Roshaine at nagpatuloy rin ang kanyang lagnat. Parang lantang gulay na siya hanggang sa siya ay binawian ng buhay nang araw na ‘yun. Lumabas ang mga pantal sa kanyang katawan, tumigas at lumobo rin ang kanyang tiyan pagkatapos niyang pumanaw.

Sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, lumapit sa aming tanggapan at sa inyong lingkod ang mag-asawang Cariño. Anila:


“Ang bakuna na ipinagmamalaki nilang proteksiyon laban sa dengue ay ang parehong dahilan ng biglaang pagkamatay ni Roshaine. Naging kaawa-awa ang kanyang kalagayan, dagdag pa rito, ang kawalan namin ng pera kaya hindi namin siya nabigyan ng sapat na pangangalaga. Ayon sa mga balita, dapat pala ay matutukan ang batang nabakunahan ng Dengvaxia. Para sa aming mahihirap na kailangang kumayod nang kumayod para sa aming ikabubuhay, mahirap na kami ay pumunta sa ospital dahil hindi naman kami aasikasuhin doon. Isa pa, wala naman silang nabanggit na ganito noong bakunahan si Roshaine. Kaya naman napagpasyahan naming mag-asawa na humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office para malaman ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay ni Roshaine. Kasama na rito ang aming hiling na mabigyan kami ng tulong legal para maipaglaban naming mag-asawa ang kamatayan ng aming anak.”

Katotohanan at katarungan — ang kambal ding mga mithiin na patuloy na ipinaglalaban ng aming tanggapan, kasama ang PAO Forensic Team, para kay Roshaine at sa katulad niyang mga biktima. Nagkakatulungan o complementary ang dalawang adhikain na ito—sabay naming isinusulong hanggang sa magliwanag ang lahat at kumiling ang timbangan ng hustisya para sa ibang biktima. Patuloy ang daing ng mga biktima na lumalaban pa ngayon.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page