top of page
Search
BULGAR

Gumagawa at bumibili ng pekeng COVID-19 test result, dapat makulong!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 9, 2021


Mula nang kumalat ang pekeng COVID-19 swab test result, hindi na natapos ang mga ulat tungkol dito. Ito kasi ang requirement para makabalik sa trabaho o makapasok sa mga pasyalan.


At kamakailan, anim na residente ng Metro Manila ang hindi nakapasok sa Boracay matapos magpakita ng pekeng RT-PCR test certification at napag-alamang tatlo rito ang nagpositibo sa COVID-19.


Bago pa ito, dalawang turista ang inaresto rin sa Boracay matapos mapag-alamang peke ang ipinakitang resulta.


Dahil dito, inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na maging agresibo sa paghahanap sa mga indibidwal o grupo na namemeke ng COVID-19 swab test result.


Nais din ng ahensiya na arestuhin at kasuhan ng PNP ang mga gumagawa, maging ang mga may hawak ng pekeng swab test result.


Matatandaang sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern Act, maaaring pagmultahin ng P50,000 at makulong ng hindi bababa sa isang buwan at hindi lalampas ng anim na buwan ang lalabag.


Bilang mamamayan, tayo ay may obligasyon din para matigil ang pamemeke ng dokumento.


Oras na para maging responsable ang bawat isa sa atin dahil akala n’yo nakakalusot kayo, pero sa totoo lang, malaking problema ang dala n’yo, hindi lang sa inyong mga sarili kundi pati sa ibang tao.


Totoong mahal magpa-test, pero at least, alam n’yong negatibo kayo sa sakit.


Panawagan naman sa mga awtoridad, pakibilis-bilisan ang pagkilos dahil hangga’t may mga namemeke, hindi matitigil ang gawaing ito.


Kapag may naiulat na nameke ng dokumento, aksiyunan agad. ‘Wag nating hintayin na lalo pang dumami ang gumagawa nito bago tayo maghigpit.


At kayong mga namemeke, kayo ang isa sa mga dahilan kaya napakaraming pasaway. Wala na kayong nagawang maganda kontra pandemya, dinagdagan n’yo pa ang problema.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

댓글


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page