ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 12, 2021
Uy, Valentine’s Day na! Usung-uso ang pagmamahal ngayon. Mahal ang baboy at manok, pati na rin gulay at isda! ‘Kalokah!
Nagmahal na nga ang lahat, lalo na ang mga presyo ng pagkain, kaya’t afford pa ba natin mag-celebrate ng Valentine’s Day at magbigay ng regalo sa ating minamahal?
Kaya naman, ang mga mister, boyfriend at manliligaw, pihadong isip-isip ng maigi kung anong regalo ang kaya nilang ibigay sa kanilang mga sweetheart sa Araw ng mga Puso kahit na may pandemya pa riyan.
Tayo kasing mga Pinoy, kahit nga sagad na sa buto ang hirap, nakagagawa pa rin ng paraan kapag pumapag-ibig na, ‘di ba! Natural na romantiko at thoughtful ang mga mangingibig natin, talaga naman!
Pero, may I suggest sa mga boys, maging praktikal na kayo sa pagreregalo. Kaunting creativity lang naman ang kailangan kahit pa gaano kahirap ang buhay. Paano?
IMEEsolusyon natin d’yan, eh, imbes na chocolates, karneng baboy na pang-ulam ang iregalo ninyo sa inyong loveydoves. I’m sure ma-appreciate nila ‘yan sa mahal ba naman ng baboy ngayon!
O, kaya, imbes na bulaklak, mga gulay na nakahugis bouquet ang ihandog ninyo kay misis. Mura na at praktikal, makatawag-pansin pa.
Natatandaan n’yo ba noong magmahal ang bigas dahil sa shortage, maraming natuwang misis nang regaluhan sila ng bigas ng mga mister noong Valentine’s Day!
Ngayon naman, bulaklak na gulay, o regalong karne — pasok ‘yan sa banga! Maniwala kayo sa hindi, magiging abot hanggang sa tenga ang ngiti ng inyong mga loves! Pramis.
Aba, isipin n’yo naman hindi lang mga misis, girlfriend at nililigawan ang matutuwa niyan, kundi mas higit ang mga nagtitinda ng gulay at baboy! Oh, di ba, naging romantiko ka na ngayong Valentine’s Day, nakatulong ka pa!
Happy Valentine’s Day sa inyong lahat! At Kung Hei Fat Choi sa ating mga kaibigang Tsinoy!
Comentarios