ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 14, 2021
Malaking pagbabago ang maaaring kaharapin mga kandidatong nais lumahok sa darating na halalan sakaling hindi natin maabot ang mithiing herd immunity sa panahon ng kampanya dahil sa pandemya.
Isa sa pangunahing dapat pagtuunan ng pansin ng Commission on Election (Comelec) ay maagang paglalabas ng panuntunan kung paano ipatutupad ang isasagawang halalan upang mas maagang makapaghanda ang mga kababayan nating nais bumoto.
Lalo pa at pinag-iisipan na ng Comelec ang declustering ng mga presinto mula 1000 botante kada presinto na maging 800 na lamang kaya siguradong magbabago ang mga listahan kung saang presinto dapat bumoto.
Idagdag pa ang sitwasyon ng mga botante kung handa bang mabilad sa initan ang mga mayayaman, beauty conscious, may hypertension at iba pang karamdaman na kapag nainip o hindi komportable ay tiyak na mag-uuwian na malaking kabawasan sa turnout ng inaasahang boto.
Hindi sapat na basta na lamang iaanunsiyo ng Comelec na daragdagan ng ilang oras ang mismong araw ng botohan dahil mas makabubuting ngayon pa lamang ay maging malinaw na ito sa nakararami lalo pa at marami sa ating kababayan ang ngayon pa lamang ay napakarami na ng tanong kung paano na ang sistema sa darating na eleksiyon habang nasa gitna ng pandemya.
Makabubuting makipag-ugnayan ang Comelec sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) upang hindi magkaroon nang banggaan ang ipatutupad nilang kautusan para sa tamang pagboto sa panahong lahat tayo ay nakakaramdam ng takot na makihalubilo sa ibang tao.
Dapat linawin ang bawat detalye upang hindi na magkaroon ng kaguluhan sa mismong araw ng halalan na kung titingnan ay may katagalan pa pero napakabilis lamang ng panahon at matapos ang pagsusumite ng kandidatura ng bawat aspirante ay parang hinahatak na ang araw ng eleksiyon.
Hindi ba’t ngayon pa lamang ay ramdam na ang galaw ng napakaraming nais kumandidato at may mga pasimple nang nag-iikot para makasigurong mapuntahan nila ang maraming lugar na pagkukunan nila ng sapat na boto para manalo.
Kaya napapanahon na ang sinasabi natinng guidelines para maaga ring matutunan ng mga botante kung paano sila boboto dahil sa hindi naman maaaring tulad pa rin ng dati ang sistema sa pagboto dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kabila nang umaandar na ang pagbabakuna.
Una ay dapat nang tukuyin kung anong oras magsisimula at magtatapos ang eleksiyon at kung sinu-sino ang dapat mauna tulad sa pagbabakuna na binigyang prayoridad ang mga senior citizen, may comorbidities at person with disability (PWD) na nilagyan ng kategorya.
Gaano ba karami ang dapat na papasuking botante sa bawat presinto at gaano rin kahaba ang pila na dapat para sa mga lugar na pagdarausan ng botohan at kailangan bang magsuot pa ng face shield o sapat na ang facemask.
Para hindi dumagsa ang mga tao at maiwasan ang kumpulan ay dapat bang hati-hatiin ang bawat sitio ng barangay at magkaroon ng partikular na oras para hindi bumuhos ang dating ng mga tao sa isang pagkakataon at maiwasan ang pagkakahawa-hawa sa COVID-19?
Kung walang nakatalagang oras para sa isasagawang klasipikasyon ay hindi malayong mangyari na dumagsa sa umaga ang mga botante at lumuwag naman sa gabi o dahil sa takot na mahalo sa maraming tao ay magkasabay-sabay naman ang dating sa gabi o bandang hapon.
Paano ang sistema sa paghahanap ng mga nawawalang pangalan o naliligaw na presinto ng mga botante at sinu-sino lamang ang maaaring gumala sa loob ng mga paaralan kung saan isinasagawa ng botohan.
Napakarami ng dapat isaalang-alang at bigyang-konsiderasyon na kung hindi agad natin sisimulan ay posibleng humantong sa kalituhan o kaguluhan dahil sa magkahalong kautusan ng Comelec at IATF dulot ng pandemya.
Dapat na ring agad na maglabas ng kautusan hinggil sa sistema ng kampanya dahil posibleng payagan ang face-to-face campaign activities para sa nalalapit na 2022 elections, ngunit tiyak na may istriktong ipatutupad ang pamahalaan hinggil sa pagsunod ng bawat isa sa umiiral na health protocol.
Dahil sa darating na Oktubre pa naman ang pagsusumite ng kandidatura ay hindi na sakop ng ilalabas na panuntunan ang mga kandidatong ngayon pa lamang ay umikot na at hindi na alintana ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
May umiiral na physical distancing, pagsusuot ng facemask at face shield ngunit, baka sa mas maagang panahon ay mas higpitan pa ito kung ang isasagawang pag-iikot ay may kaugnayan sa pangangampanya ng mga kandidato.
Sa mismong kampanya ay hindi maiiwasan ang pagdumog ng mga tao sa kandidato na gusto nila kaya posibleng mahirapan ang awtoridad sa pagpigil sa sitwasyon kung walang umiiral na panuntunan na sadyang para sa kampanya at halalan lamang.
Ilang libo katao ba ang dapat payagan para sa isang lugar na pupuntahan ng kandidato para magtalumpati ng kaniyang plataporma at dapat nakasuot lahat ng facemask o mariin itong ipagbabawal.
Maraming bagong kandidato ang kailangan nilang mag-ikot para makilala dahil hindi sila makakakuha ng boto kung hindi sila kilala at hindi naman sapat na iasa na lamang sa radyo, telebisyon at social media ang kampanya.
Ayon din sa Comelec, nasa pitong milyong botante ang deactivated na ang accounts at pitong daang libong indibidwal lamang umano ang muling nabalik sa talaan ng Comelec at panibagong apat na milyong bagong botante ang inaasahang magpapatala para sa darating na halalan.
Ibig sabihin, malaki ang bilang ng mga bagong botante na wala pang kamuwang-muwang sa pulitika na kailangang maabot ng bawat kandidato para maipaabot nila ang kanilang balakin kaya nais nilang tumakbo sa halalan.
Bilang halal na opisyal ay hindi natin nanaising maligaw ang kaisipan ng ating mga botante na aasa na lamang sa social media kaya pinupursige natin na hangga’t maaga ay maglabas na nang panuntunan para hindi maging biktima ng fake news at black propaganda.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Commentaires