top of page
Search
BULGAR

Guidelines para sa pagpapatupad ng limitadong face-to-face classes sa mga pribadong paaralan

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | September 08, 2021



Nitong Lunes ay naghain tayo ng resolusyon para himukin ang Department of Education na lumikha na ng technical working group (TWG) na gagawa ng guidelines para sa pagpapatupad ng limitadong face-to-face classes sa mga pribadong paaralan.


Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture noong nakaraang buwan, hiniling ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) na magkaroon ng hiwalay na guidelines ang private at public schools para sa pilot testing ng face-to-face classes.


Anila, magkaiba naman ang parameters at environment, lalo na sa usapin ng espasyo at populasyon.


Patuloy ding umaaray ang mga pribadong paaralan dahil sa patuloy na pagsara.


Ayon sa DepEd, bumaba ng 50.4 percent ang enrollment sa mga private school para sa school year 2020-202. Halos 900 private basic education schools ang napilitang magsara pansamantala dahil sa pandemya, na nauwi sa kawalan ng trabaho ng 4,400 guro. Halos 500,000 estudyante din ang kinailangan lumipat sa public schools dahil dito.


Umaasa tayong aaksiyunan ito sa lalong madaling panahon ng DepEd.


☻☻☻


Good news naman.


Nagkamit ng special award ang Philippine Pavilion sa 17th International Architecture Exhibition ng Venice Biennale.


Ang Venice Biennale ay international art exhibition na nagtatampok ng architecture, arts, cinema, dance, music, and theatre, na itinatag noong 1895.


Nirepresenta ang ating bansa ng Framework Collaborative na binubuo ng Gawad Kalinga Enchanted Farm (GKEF) community at ang mga architect na sina Sudarshan V. Khadka Jr. and Alexander Eriksson Furunes.


Ang exhibition nilang Structures of Mutual Support ay ginawaran ng Special Mention as National Participation. Ito ang unang award natin sa naturang platform mula nang lumahok ang bansa noong 1964.


Itinampok ng entry natin ang Bayanihan spirit nating mga Pilipino bilang pagtugon sa temang “How will we live together?,” at nabuo ang konsepto pagkatapos ng mga workshop base sa bayanihan sa Brgy. Encanto sa Angat, Bulacan, kasama ang 32 magsasaka, karpintero, at iba pang manggagawa, housewife, at estudyante ng GKEF community.


Congratulations, Team Philippines!


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page