ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 22, 2024
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) upang tugunan ang pagtataguyod ng mental health ng mga mag-aaral ang kasalukuyang kakulangan ng Pilipinas ng mga guidance counselor.
Ibinahagi ni Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Executive Director Dr. Karol Mark Yee sa isang press conference ang kakulangan ng kuwalipikadong guidance counselors sa Department of Education (DepEd). Bagama’t may 4,460 na plantilla position para sa guidance counselors sa kagawaran, umaabot lamang sa mga 300 ang natatapos sa kinakailangang master’s degree sa guidance and counseling para sa posisyon. Dahil ito sa kakulangan ng mga paaralang may master’s programs sa guidance and counseling.
Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, aabot sa 14 taon bago mapunan ang kasalukuyang mga bakanteng posisyon, ayon sa executive director ng EDCOM II.
Maliban sa pagpapatatag sa school-based mental health program, isinusulong din ng naturang panukala ang pag-hire sa mga kuwalipikadong kawani sa paghahatid ng mga serbisyong pang-mental health. Nililikha rin ng naturang panukala ang mga bagong plantilla position na School Counselor Associate I hanggang V, School Counselor I hanggang IV, at Schools Division Counselor. Sa paglikha ng mas marami pang mga posisyon, nais bigyang diin ng inyong lingkod na maibibigay na sa mga mag-aaral ang mga kinakailangan nilang serbisyo sa mental health.
Sa ilalim nito, ang mga School Counselor Associate ay kailangang may Bachelor’s Degree in Guidance and Counseling, anumang Bachelor’s Degree na may 18 units ng courses sa Guidance and Counseling o Psychology, o anumang kaugnay na Bachelor’s Degree na may minimum na 18 units ng Behavioral Science subjects na may 200 oras ng supervised practicum o internship experience sa guidance and counseling lalo na sa mga paaralan at mga komunidad. Kailangan namang Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist ang mga nais maging School Counselor at Schools Division Counselor.
Ang mga kasalukuyang posisyon na Guidance Counselor, Guidance Coordinator, at Guidance Services Specialist ay papalitan upang maging akma sa mga bagong posisyong nilikha ng batas.
Kasabay ng pagkakaroon ng programa sa mental health ng ating mga mag-aaral, kailangan din nating tiyakin na may sapat at mga kuwalipikadong propesyonal upang maipatupad ang programa sa mga eskwelahan. Mahalagang itaguyod natin ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga mag-aaral dahil nakakabit ito sa kanilang kakayahang matuto. Sama-sama nating pagtibayin ang epektibong pagpapalaganap ng mga paraan upang maisulong ang mental health sa ating mga paaralan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments