top of page
Search
BULGAR

Grupong sumusuporta kay Isko, lumipat kay Robredo

ni Jasmin Joy Evangelista | April 6, 2022



Inanunsiyo ng grupong nag-endorso sa presidential bid ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na si Vice President Leni Robredo na ang kanilang susuportahan.


Sa isang press conference, sinabi ni Ikaw Muna (IM) Pilipinas Visayas lead convenor Nick Malazarte na si Robredo lamang ang may tsansang pigilan ang pagbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan.


Ayon pa kay Malazarte, lumipat kay Robredo ang national leadership ng IM Pilipinas dahil hindi maganda ang resulta ng mga survey kay Moreno.


“There is a danger of the Marcoses getting back to power, that is why if we believe Yorme (Moreno) is the best, we have somebody better (Robredo) because the alternative is the worst, who is BBM (Ferdinand Marcos Jr.),” aniya.


Nakipag-ugnayan na sa kampo ni Robredo ang grupo upang ipaalam ang kanilang pagsuporta sa kampanya ng bise presidente. Nagpadala na rin sila ng sulat sa campaign manager ni Moreno hinggil sa kanilang desisyon.


Ang IM Pilipinas ay isa sa mga unang grupo na hinikayat si Moreno na tumakbo sa pagkapangulo.


Ayon pa kay Mazarte, ang naturang announcement ay napagkasunduan ng mga leader nito sa mga pagpupulong na kanilang isinagawa mula noong nakaraang linggo hanggang noong Linggo ng gabi.


Nanawagan din si Malazarte sa mga parallel organizations na sumusuporta sa ibang kandidato na mag-shift na ng suporta kay Robredo at pigilan ang pagbabalik ng Marcos sa pagiging pangulo.


Nakatakdang magsagawa ang grupo ng house-to-house campaign para kay Robredo.


Mayroong mahigit 2,000 miyembro ang IM Pilipinas sa Visayas pa lamang.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page