ni Anthony E. Servinio @Sports | March 26, 2023
Pasok na sa 2023 NBA Playoffs ang Memphis Grizzlies matapos umulit sa Houston Rockets, 151-114, kahapon sa FedExForum. Lumalapit na rin ang Milwaukee Bucks na masigurado ang pinakamataas na kartada sa huling 15 araw ng liga sa 144-116 tambak sa Utah Jazz.
Nanguna sina Luke Kennard na may 30 puntos, lahat galing sa 10 three-points, at Desmond Bane na may 25 puntos upang ihatid sa Memphis ang kanilang ika-46 panalo sa 73 laro at tumibay ang estado bilang pangalawa sa Western Conference. Naging reserba sa ikalawang sunod na laro ang nagbabalik na si Ja Morant at nag-ambag ng 18 puntos at walong assist sa 19 minuto.
Pinagsamantalahan ng Bucks ang kulang-kulang na Jazz at umabot sa 121-85 ang lamang matapos ang dalawang tres ni Pat Connaughton upang buksan ang fourth quarter. Double-double si Giannis Antetokounmpo na 24 puntos at 11 assist habang 25 puntos si Grayson Allen para sa kartadang 53-20.
Nanatili ang agwat ng Bucks sa humahabol na Boston Celtics na nagtala ng 120-95 tagumpay sa Indiana Pacers para sa 51-23 panalo-talo. Nagsabog ng 34 puntos si Jayson Tatum na kanyang ika-40 laro na may 30 o higit na puntos ngayong taon at linampasan ang 39 ng alamat na si Larry Bird na ginawa noong 1987-1988.
Pumantay sa unang pagkakataon ngayong torneo ang kartada ng Los Angeles Lakers matapos lusutan ang Oklahoma City Thunder, 116-111, ang kanilang ikatlong sunod at tumalon sa ika-pito sa West tabla sa Minnesota Timberwolves sa 37-37. Ipinasok ni Dennis Schroder ang anim ng kanyang 19 puntos sa huling 4 na minuto upang hindi masayang ang 37 puntos at 14 rebound ni Anthony Davis.
Comments