@Editorial | August 28, 2021
Sa kabila ng pagluluwag sa community quarantine sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa, patuloy naman ang pagpapatupad ng ‘granular lockdowns’.
Sinasabing mas mainam na ‘to kaysa ang pag-lockdown sa isang siyudad o probinsiya.
Sa ilalim ng granular lockdown, mas limitado ang maaapektuhan, kung anong area lang ang may mataas na kaso ng COVID-19 ay doon lang maghihigpit.
Ang pagpapatupad ng granular lockdown ay isang hakbang din upang hindi mapuno ang mga ospital ng mga COVID-19 patient.
Kaugnay nito, inihirit naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dapat pagbawalang lumabas ang mga authorized persons outside residence (APOR) tuwing nagkakaroon ng granular lockdown para maiwasan ang pagkalat ng COVID.
Ito rin umano ang naging rekomendasyon ng technical working group dahil sa lumabas na data analytics mula sa Department of Health (DOH).
Base umano sa obserbasyon sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ), maraming mga APOR ang nakakalabas at nagkakasakit, kaya nagkakaroon pa ng hawaan.
Kung uunawain, kahit naka-lockdown ang isang lugar, kung halos lahat naman ng tahanan ay may APOR na nalalantad sa banta ng COVID-19 na posibleng maiuwi sa bahay, parang wala rin.
Sana ay may sapat na kakayahan ang gobyerno para sa usaping ito.
Kung pipigilan sa paglabas ang mga APOR na nasa area na naka-granular lockdown, sana ay magawang masuportahan ang kanilang pamilya.
Muli, konting tiis pa sa pandemya, makakaraos din at makakabawi ang lahat.
Comments