ni Anthony Servinio @Sports | February 9, 2024
Magbabalik sa kinagawiang kalendaryo ang MILO Marathon, ang pinakamalaki at prestihiyosong takbuhan sa bansa. May nakatakdang serye ng 14 karera patungo sa National Finals na gaganapin sa Cagayan de Oro ngayong Disyembre 1.
Muling pangangasiwaan ng Runrio Inc. ang mga karera, ang kanilang ika-14 taon mula pa noong 2011. Bubuksan ang aksiyon sa Abril 7 sa pamamagitan ng hindi isa kundi tatlong sabay na takbuhan sa mga lungsod ng Laoag, Batangas at Mandaue.
Susundan ito ng inaabangang yugto sa Metro Manila sa Abril 28. Ang iba pang mga karera sa Luzon ay sa Puerto Princesa (Mayo 12), Legaspi (Hunyo 2) at bagong lugar na Vermosa sa Imus (Setyembre 22).
Lilipat ang MILO Marathon sa Visayas sa Tagbilaran (Setyembre 29), Roxas (Oktubre 6), Iloilo (Oktubre 20) at Bacolod (Oktubre 27) at sa Mindanao sa General Santos (Nobyembre 10), Davao (Nobyember 17). Babalik sa Luzon sa Tarlac sa Nobyembre 24 sa huling yugto bago ang National Finals.
Ihahayag sa mga parating na araw ang paraan ng pagpalista at ibang detalye ng mga karera. Bumalik ang MILO Marathon noong nakaraang taon matapos mawala ng tatlong taon at nagdaos ng mga karera sa Metro Manila, Batangas, Iloilo, Tarlac at Cagayan de Oro subalit walang National Finals.
Sina Jerrald Zabala at Christine Hallasgo ang mga kinoronahan na hari at reyna sa huling National Finals na ginanap noong Enero, 2020 sa Tarlac. Inurong ang karera upang magbigay-daan sa 30th Southeast Asian Games noong Disyembre.
Samantala, may ilan pang mga patakbo ang inihahanda ng Runrio sa mga darating na buwan sa pangunguna ng HOKA Trilogy RunAsia buong taon, FCC Women’s Run PH sa Marso 3 at Earth Day Run sa Abril 21. Bumisita lang sa kanilang social media upang magpalista.
Bình luận