ni Lolet Abania | July 18, 2021
Isang granada na wala nang pin ang natagpuan ng mga awtoridad mula sa isang kahoy na kariton sa Port Area, Manila ngayong Linggo nang umaga.
Sa report, pasado alas-9:00 ng umaga nakita ang granada sa loob ng kariton na nakaparada sa harapan mismo ng opisina ng pahayagang “The Philippine Star.”
Agad na nilagyan ng pulisya ng kordon at na-secure ang area sa 13th Street at Railroad Street sa Port Area. Ayon kay Police Colonel Robert Domingo, hepe ng Port Area Station ng Manila Police District (MPD), nakita na lang ng may-ari ng cart at isang pedicab driver ang granada na wala na itong pin.
Mabilis namang rumesponde ang mga operatiba ng Explosives and Ordnance Division ng MPD at ang Philippine Coast Guard sa lugar dahil sa insidente. Inialis nila ang kariton sa lugar habang dinala ito sa kalayuan saka nila nai-detonate ang hand grenade.
Inaalam na ng pulisya kung may kaugnayan ito sa naganap na pag-aresto sa isang indibidwal isang oras bago nadiskubre ang granada. Isang lalaki ang nadakip malapit sa lugar matapos na ang kanyang live-in partner ay magsumbong sa mga pulis na siya ay pisikal na sinasaktan at ang kanyang cellphone ay ninakaw. Nakuha sa lalaki ang sinasabing cellphone at isang granada.
Kommentarer